‘Pangako at Reporma’
MARAMI sa mga repormang ipinangakong tutuparin ng administrasyon, hindi pa rin natutupad.
Apat na taon sa pwesto si Pangulong Benigno “Noy†Aquino, hindi pa rin nakikita at nararamdaman ng taumba-yan ang kaniyang mga plataporma.
Kamakailan sa isinagawang World Economic Forum, sinabi ni Finance Secretary Cesar Purisima na marami pang mga reporma ang lalabas bago matapos ang termino ni PNoy sa 2016.
Gagawin at sisiguraduhin daw ng pamahalaan ang implementasyon ng structural at governance reforms o pagtatayo ng mga imprastruktura sa iba’t ibang sektor at maayos na pangangasiwa.
Ang mga bagay na dapat noon pa isinagawa, ngayon palang nila pinag-aaralan at pinagpa-planuhan.
Isa sa mga binanggit ni Purisima ang pagtatanggal ng tax break, tax incentives o tax holiday na ipinapataw ng Bureau of Finance (BOF), Bureau of Investment (BOI) at Bureau of Internal Revenue (BIR). Para daw ito makahikayat ng mga dayuhang imbestor na mamumuhunan at magtatayo ng negosyo, na magbibigay-trabaho sa bansa.
Dati pa, matagal ng isyu ang mahigpit na pagbibigay ng mga tax incentives.
Noong nakaraang taon, personal at harapan kong naka-panayam si Tourism Secretary Ramon Jimenez hinggil sa hindi maibigay na tax perks ng pamahalaan sa mga mala-laking hotel investor o hoteliers na gustong mamuhunan sa mga key tourism area sa Pilipinas.
Ayon kay Sec. Jimenez, pinag-uusapan na daw ng mga gabinete ng administrasyon ang repormang ito at maipatutupad na sa mga susunod na buwan. Sa madaling salita, pabor si Sec. Jimenez sa pagbibigay ng tax break sa mga hoteliers. Ang problema, may balakid, may pumi-preno.
Hindi pa man nakakapagbigay ng resolusyon tungkol dito, nag-isyu na agad ng sirkular ang Bureau of Finance na hindi na maaaring magtayo pa ng mga hotel sa mga lugar tulad ng Maynila, Cebu, Mactan at Boracay.
Naniniwala ang BITAG Live na turismo ang isa sa mga solusyon para umaangat ang ekonomiya ng bansa.
Dalawang taon nalang, matatapos na ang termino ng kasalukuyang administrasyon. Hindi na kailangan pang sabihin o ianunsyo sa publiko ang mga plataporma, pangako at reporma na dapat noon pa, matagal nang ipinatupad at dapat napapakinabangan na ng taumbayan.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.
- Latest