Racket a la-Delfin Lee laganap sa kapuluan
ANIMO’Y gigil na gigil ang mga pulitiko kay Delfin Lee, at gusto siyang bulukin sa kulungan. Pero kung tutuusin, laganap ang racket ni Lee sa real estate, at protektado ng mga pulitiko ang mga salarin.
Double-selling ng bahay at lupa ang ikinakaso kay Lee. Ganap na niyang ibinenta ang lote at bungalow sa isang homebuyer, tapos ibinebenta pa muli sa ikalawa. At dahil maramihan niya ito ginawa, sa tulong ng mga kasapakat sa kumpanya at housing agencies, non-bailable syndicated estafa ang sakdal sa kanya.
Sagot ni Lee, wala siyang kasalanan. Nagmukhang double-selling lang, aniya, ang lehitimong pagbebenta niya ng bahay at lupa. Sa maraming insidente umano, na-disapprove ng Pag-IBIG ang pag-utang ng homebuyer para sa pabahay. At dahil hindi na binili ang produkto, inialok at binenta niya ito sa iba.
Pero ito ang tanong: Bakit hindi niya isinoli sa unang bumibili -- na na-disapprove ang Pag-IBIG loan application, ang libu-libong pisong naibayad nang down payment at monthly installment?
‘Yan ang nagiging problema ng marami pang ibang homebuyers. Hindi sinosoli ng subdivision o condo developer ang pera nila kung na-disapprove ng banko ang pag-utang. Mas masaklap, sa maraming ehemplo, hindi ibinibigay sa kanila ang titulo matapos mabayaran nang buo ang bahay at lupa o condo. Kalimitan kasi, naniniguro ang developer na maisasalya ang produkto, kaya sapin-sapin ito na ibinebenta sa iba-ibang homebuyers.
Ilegal ito, pero nakakalusot sa batas ang developers. Sinusuhulan nila ang housing officials para magbulag-bulagan. Kung laging ganyan, madadala ang homebu-yers, at babagsak ang real estate industry.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest















