EDITORYAL - Sobra na ang China!
HINDI na dapat magsawalang-kibo ang Pilipinas sa ginagawang pangha-harass ng China. Dapat nang makarating sa United Nations ang panibagong pangha-harass na ginawa noong Sabado habang ang civilian ship ng Pilipinas ay patungo sa Ayungin Shoal para magdala ng supply ng pagkain sa mga sundalong Pilipino na nakatira sa BRP Sierra Madre.
Hinarang ng dalawang China Coast Guards na may bow numbers 3401 at 1127 ang sasakyang may dalang supply. Kasama sa mga sakay ng Philippine ship ang local journalists at mga sundalong ihahalili sa mga nagbabantay sa Ayungin at nakatira sa BRP Sierra Madre. Halos dalawang oras na pinigil ng dalawang CCG ang maliit na barko ng Pilipinas. Tinanong daw ng CCG ang kapitan ng Philippine ship kung ano ang gagawin sa karagatang sakop nila. Sinabi naman ni Lt. SG Ferdinand Gato na patungo sila sa nakahimpil na barko (ang Sierra Madre). Sagot daw ng CCG: “Mananagot kayo sa inyong ginawa.’’
Pero hindi nasindak si Gato at pinaarangkada ang vessel sa mababaw na bahagi ng shoal. Dahil malaki ang CCG, hindi ito makahabol sapagkat masyadong mababaw na ang bahaging tinungo ng Philippine vessel. Nadala rin ang mga supply ng pagkain at iba pang pangangailangan ng 10 Philippine Marines na nagbabantay sa Ayungin. Mula pa 1999 ay naroon na at nagbabantay ang Marines.
Hindi ito ang unang pagkakataon na hinarang ang mga magdadala ng supply sa mga sundalo. Noong Marso 9, hinarang din ang barkong magdadala ng suplay. Walang nagawa ang barko ng Pilipinas kundi bumalik. Dahil kailangan na ng mga sundalo ang supply, ibinagsak na lang mula sa eroplano ang kanilang kailangan. Pero noong Sabado, muling sinubukang maglayag ng barko at nakarating sa Ayungin.
Pero ganito ba habang panahon ang gagawin na bago mahatiran ng supply ang mga sundalo ay kailangan pang magpakilala sa Coast Guard ng China? Kailangan pang makipaggirian kahit tayo ang may karapatan.
Nararapat nang paratingin ang reklamo sa UN para tumulong sa pagresolba. Sa sunod na pagdadala ng supply, dapat nang magsama ng foreign press ang mga magtutungo sa Ayungin para maÂlaman ng buong mundo ang ginagawa ng China.
- Latest