^

PSN Opinyon

‘Todo bigay (?)’

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

HINDI NAMAN namin nilalahat pero kapag ang isang bakla na may edad na ay nagkarelasyon sa isang bata na guwapo at may katawan titigan mo ang kanyang mga mata. Nababasa mo ba ang salitang pang habang buhay?

Ito ang depensa ng mag-asawang Rhyence at Cherry Anne Bermudez nang magsadya sila sa aming tanggapan. Kaugnay ito ng aming nailathala sa aming pitak na “People of the Philippines vs Mr. Tiwala”.

“Nagkaroon sila ng relasyon ng kapatid ko. Obsessed siya kay Rhodge kaya naging ganyan,” simula ni Rhyence.

Halos tatlong taon umanong nagkaroon ng relasyon sina Bonifacio “Bon” Ferrer at Rhodge. Nang makipaghiwalay si Rhodge ay ganito na ang inaasal ni Bon. Nagsama rin daw sa iisang bubong ang dalawa.

Hindi raw nila naging kasosyo si Bon sa isang ‘lending business’.

“Yun ang negosyo naming mag-asawa,” wika ni Cherry Anne.

Maging ang ‘computer shop’ na sinasabing si Bon ang nangapital at bumili ng mga unit ay negosyo din daw ng pamilya nila.

Itinatanggi rin nila na si Bon ang bumili ng baril at nagluwal ng pera para sa pagpapa-franchise ng ‘gun store’ (Rush Hour).

Tungkol naman sa alegasyong sa sasakyan nitong Mitsubishi Strada na ito’y kinarnap, mariing itinanggi nila ito at sinabing “Nabili na namin ito. May hawak kaming ‘deed of sale’ na magpapatunay,” sabi ng mag-asawa.

Hanggang sa eskwelahan umano ng kanilang anak ay nanggugulo si Bon at ipinagkakalat na estapadora ang kanyang mga magulang.

“Namimigay yan ng papel na may nakalagay na mukha namin. Nakasulat na estapadora raw kami,” pahayag ni Cherry Anne.

May mga testigo sila at may videos umano na makakapagpatunay na si Bon ang namimigay sa mga customer at sa mga tao ngunit wala silang naipakita sa aming video at testigong nadala sa aming tanggapan.

Sinisiraan din daw sila nito sa social networking site na Facebook (FB) at sa website ng kalaban nilang mga gun store. Dahilan kung bakit nasa lugar ng kahihiyan ang kanilang pamilya.

“Ngayon pinag-uusapan nila kami dahil sa mga ikinakalat niya. Nasisira kami, sa online pa naman kami nakikipag-deal,” ayon kay Cherry Anne.

Pati ang nagiging karelasyon umano ni Rhodge ay hindi nakaligtas sa mga paninira ni Bon.

Mariing itinatanggi ng mag-asawa ang mga paratang sa kanila ni Bon at giit nila “Siya pa nga ang may utang sa amin.”

Naitanong din nila kung anong hakbang ang maaari nilang gawin para matigil ang paninira ni Bon sa kanila.

Nang magtungo ang mag-asawa sa aming tanggapan sinagot nilang lahat ang aming naisulat ngunit tumanggi silang magpa-ere. Nangako silang babalik sa aming opisina upang isa-isa itong sagutin ngunit hindi sila nagpakita.

Sa halip, si Bon ang dumating sa aming tanggapan. Muli namin siyang nakapanayam sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 3:00pm-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn).

“Oo inaamin kong pumatol ako sa kapatid niya. Halos tatlong taon kaming nagkarelasyon. Hindi naman ibig sabihin nun ligtas na sila sa obligasyon nila sa akin,” sagot ni Bon.

Iginiit niya ring siya ang nagpaluwal ng pera sa lending business. Limang daang libong piso umano ang kanyang na-invest rito.

“Ako ang bumili ng mga unit sa computer shop at puro kasinungalingan lang ang sinasabi nila,” pahayag ni Bon.

Nasasabi lang daw ng mag-asawa na hindi siya kasosyo sa gun store dahil nagtiwala siya nung mga panahong yun. Wala siyang hawak na dokumento na magsasabi na siya’y kasama sa ganoong uri ng negosyo.

Nilinaw ni Bon kung bakit nagkaroon ng ‘deed of sale’ sa sasakyan niyang Strada. Nung panahon na hinahabol siya ng bangko sa pagkakautang, sinabihan niya ang mag asawa na ibalik na lang ang kotse.

“Kung hindi naman maibabalik ibenta na lang para makabayad ako. Ang sabi nila sige ibenta na lang, gawan na natin ng deed of sale,” kwento ni Bon.

Inamin naman ni Bon na nagpunta siya sa eskwelahan ng anak ng mga Bermudez ngunit sagot niya, “Hindi ko sila ginugulo ang hinahabol ko yung mga kailangan nilang ibalik sa akin. Naniningil ako pero marami silang kwento para makaiwas.”

Tatlong beses na rin siyang nagpadala ng ‘demand letter’ ngunit wala naman umanong nangyayari.

“Totoo rin may pinost ako sa FB pero hindi ako ang nagkalat. Alam mo naman sa ganyang website posibleng kumalat na,” salaysay ni Bon.

Itinanggi naman niya na nag-post siya sa website ng kalaban nitong gun store ng kahit na anong paninira laban sa mag-asawa.

Nagdala rin ng ilang mga papel si Bon sa amin bilang patotoo ng kanyang pagdedeposito ng pera sa account ni Rhyence at ang pagtanggap nito ng pera mula sa kanya.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, sinabihan namin ang mag-asawang Bermudez na hindi namin intensiyong pag awayin sila sa ere. Binibigyan lamang namin sila ng pagkakataon upang ihayag ang kanilang panig dahil ang kailangan namin ay ‘balanseng pamamahayag’.

Ilang beses silang nangakong pupunta sa aming tanggappan ngunit hindi naman nagpakita. Tinatawagan din namin sila upang ipaalam na isusulat namin ang kanilang mga sinabi at ang sagot ni Bon ngunit hindi naman sila sumasagot sa mga numerong ibinigay nila.

Ang social networking site ay ginagamit upang makipagkilala at makipagkaibigan, hindi para magbatuhan ng putik at ilantad ang baho ng isang tao.

Sa tanong na kung anong ‘legal remedy’ meron sila pareho, si Bon naman ay maaaring magsampa ng ‘collection of sum of money’ kung totoo ngang umutang sa kanya ng pera ang mga ito at tingnan din kung pasok sa kasong Estafa kapag napatunayan na merong ‘deceit o fraud’ na involve rito sa mga napakawalang pera.

Maaaring naman magreklamo ang mag-asawang Bermudez ng kasong ‘Libel’ dahil mayroon na tayong Cybercrime Law sa Pilipinas. Subalit naglabas ng Temporary Restraining Order (TRO) ang Korte Suprema dahil merong ilang puntos na dapat repasuhin.

Maaari silang magsampa ng simpleng Libel kung meron silang makukuhang testigo na itong si Bon nga ang nagkakalat ng mga paninira sa kanila. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038.

 

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

 

AMING

BON

CHERRY ANNE

MAG

NAMAN

NILA

SILA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with