Duling ang PNP sa isyu ng baril
KUNG sa akala ng PNP ay mababawasan ang krimen kapag hinigpitan ang paglilisensiya ng baril, nagkakamali ito. Matitinong mamamayan lang ang nagpapalisensiya ng armas; ginagawa nila ito sa intensiyong gamitin lamang ang baril sa self-defense. Hindi nagpapalisensiya ang mga kriminal. Ito’y dahil alam nilang matitiklo sila kapag isinailalim ang baril sa ballistics recording.
Maraming halimbawa na hindi bumababa ang krimen sa gun control. Sa Australia nu’ng 1997 binili at winasak ng gobyerno ang mahigit 630,000 baril ng mga sibilyan, sa tumataginting na $500 milyon. Makalipas ang isang dekada, bumaba nga ang murder ng 9%, pero dahil ito sa takot ng mamamayan nang magtriple naman ang crime solution rate. Pero ang assault ay dumami nang 40%, at ang sexual assault 20%. Sa Finland apat sa bawat 10 kabahayan ay may baril, pero ang homicide rate ay 1.2 lang sa bawat 100,000 tao. Sa Switzerland lahat nang mamamayang nasa hustong edad ay obligado magtabi ng automatic rifle sa tirahan, pero ang crime rate ay pinaka-mababa sa buong Europe. Sa America legal magbitbit ng tagong baril, kaya maingat ang mamamayan na makipag-enkuwentro sa kapwa.
Hindi higpit kundi pagpapadali sa paglilisensiya ang solusyon sa Pilipinas. Kapag pinahirap at pinamahal ang proseso, natural na hindi na magparehistro ang may-ari ng baril. Ito ngayon ay magagamit sa pagputok sa Bagong Taon, o sa pagnakaw at pagpatay.
Dagdag pang solusyon ang matinding parusa sa mga may-ari ng ilegal na baril. Gayundin, ang seryosong kampanya ng PNP na kumpiskahin ang tinatayang 400,000 nagkalat na di-lisensiyadong baril. Pag-initan ang ilegal, hindi ang legal.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest