‘Jose, huwag kang matakot’
NGAYON ang ika-4 na linggo ng Adbiyento. Panahon ng Simbang Gabi --- ang siyam na araw ng ating pagha-handa sa pagsilang ni Hesus. Lagi kong binibigyang-diin ang kahalagahan ng siyam na kadalasan ay hindi matanggap ng ibang lahi. Para sa akin, ito ang tuwirang “lucky nineâ€. Siyam na buwan si Hesus sa sinapupunan ni Maria bago iluwal.
Tayo ay siyam na buwan din sa sinapupunan ng ating ina bago ipinanganak. Sa mga pagdiriwang sa ating simbahan, lagi tayong merong siyam na araw ng paghahanda o nobena. Bago magpasko ang tawag natin sa siyam na araw ng paghahanda ay Simbang Gabi kahit sa mada-ling araw ito nagaganap. Para sa akin, kahit anong oras tayo mag-alay ng Banal na Misa basta’t mabubuo natin ang siyam na araw ng paghahanda ay may biyaya sa atin ang Panginoon.
“Ang Panginoo’y darating Siya’y dakilang hari natin.†Sa Lumang Tipan sa aklat ni Isaias ay ipinahayag niya na maglilihi ang isang dalaga at manganganak ng isang lalaki na tatawaging Emmanuel na ang kahuluga’y “Kasama natin ang Diyosâ€. Ayon kay Pablo sa kanyang liham sa mga taga-Roma ay ipinangako ng Diyos sa pamamagitan ng mga propeta na isisilang ang Kanyang Anak mula sa lipi ni David.
Hindi mapagwari ni Jose na ang kanyang kasintahan ay nagdadalantao. Mahal na mahal niya si Maria at ayaw niya itong ipahiya at maparusahan ng batas ng mga Judio. Ang kaparusahan sa babaing nagdadalantao na hindi pa naikakasal ay kamatayan. Kaya nagplano si Jose na hiwalayan si Maria nang lihim. Subalit nagpakita sa kanya si Gabriel sa panaginip: “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tuluyang pakasalan si Maria sapagkat siya’y naglilihi sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Manganganak siya ng isang lalaki at pangangalanan mong Hesus, sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan.â€
Nagdiriwang na naman tayong mga Kristiyano sa sandaigdigan. Paalaala sa ating lahat ang huling sinabi ng anghel kay Jose “Siya ang magliligtas sa kanyang bayan sa kanilang kasalanan.†Isabuhay natin ito ngayong Pasko at masasabing ito ang tunay at wagas na pagdiriwang.
Maligayang Pasko sa lahat!
Isaias 7:10-14; Salmo 23; Roma 1:1-7 at Mateo 1:18-24
- Latest