MAHIGIT dalawang linggo nang nagbibigay ng babala ang BITAG matapos hagupitin ng bagyong Yolanda ang Visayas region.
Nagkalat kasi ang mga mapagsamantalang galamay ng sindikato ng human trafficking. Aktibo sa paghahanap ng kanilang mabibiktima. Mainit sa kanilang mga mata ang mga menor de edad na babae at lalaki na madali nilang mapagsamantalahan.
Nakita ng BITAG ang pattern na ito, matapos maidokumento ng aming grupo ang ilegal na pagre-recruit ng mga sindikato sa Bicol noong 2007. Ang kanilang estilo, maglilibot sa mga lugar na sinalanta at matinding naapektuhan ng kalamidad.
Dala ng kahirapan, maraming kababayan ang kumakapit sa patalim sa pag-asang ang inaalok ng mga sindikato na trabaho ang mag-aahon sa kanilang kalagayan. Subalit, pagdating sa Maynila at ibang lungsod, pinagtatrabaho ang mga kabataan taliwas sa ipinangako. Bagkus, biktima sila ng cheap labor at mga pananamantala.
Nitong mga nakaraang araw, naglabas ng babala ang Department of Justice Inter-Agency Council Against Trafficking laban sa sindikato ng human trafficking.
Malaki ang posibilidad na gamitin muli ng sindikato ang kapareho nilang modus sa Bicol.
Binabalaan ang mga nasa lugar na tinamaan ng kalamidad, maging paladuda sa mga bagong mukha sa inyong komunidad na nag-aalok ng kung anu-anong “oportunidad.†Doblehin ang pag-iingat.
Sa mga lokal na pamahalaan, ikalat ang babala ng BITAG sa inyong hurisdiksyon upang hindi mabiktima ng mga masasamang loob.