Grabeng pinsala ang idinulot!
UNTI-UNTI nang pumapasok ang mga video at larawan ng paghagupit ni Yolanda sa Tacloban, Leyte. Nakarating na ang ABS-CBN news crew sa Cebu kung saan may mga linya ng komunikasyon. Sa Tacloban ay walang kuryente at komunikasyon. Nanlumo ako sa nakita kong pagkaluray at pagkawasak ng Tacloban. Parang mga larawan na kinunan noong panahon ng digmaan, pero ang pinagkaiba nito ay ang buong siyudad ay nasa ilalim ng tubig-dagat! Dahil sa naganap na storm surge na umabot sa pitong metro ang taas, binaha ang halos kabuuan ng Tacloban. Pati mga barangay na malayo na sa dagat ay nadelubyo rin.
Walang pinatawad si Yolanda. Tila mga gawa lamang sa posporo ang mga tahanan sa may baybay-dagat nang tamaan ni Yolanda. Pati mga bahay na gawa sa mas matitibay na materyales ay pinaglaruan lamang. Dingding na lang ang naiwan sa ilang mga tahanan. Ang kalat sa mga kalsada ay matindi. Ang mga poste ng kuryente at telepono ay bumagsak. Napakabilis ng pagpasok ng tubig-dagat sa siyudad, dahil sa storm surge. Malinaw na hindi handa ang marami sa ganitong kaganapan.
Nang humupa ang baha, nakita ang grabeng pinsala ni Yolanda sa ari-arian, at buhay. May mga bangkay na lumutang, karamihan ay mga bata at matatanda. Tinangay nang malakas na agos sa kasagsagan ng bagyo. Napakalungkot ng eksena. Mga umiiyak na kamag-anak, mga naglalakad na tila wala sa sarili, mga batang hinahanap ang kanilang mga magulang.
Sa pag-estimate, daang tao ang namatay sa Tacloban, at baka umabot sa higit isang libo sa buong bansa. Iyan ba ang bagyo na sa tingin ng iba ay naging maarte lamang ang gobyerno sa pagbigay ng mga babala? Sana sila ang nasa Tacloban.
Pero sa kabila naman ng awa at lungkot dahil sa pinsala, ganundin ang aking galit sa mga taong nagsamantala sa sitwasyon at ninakawan ang isang kilalang department store. Kitang-kita sa video ang mga pangyayari. Hindi na tinakpan ng mga tao ang kanilang mga mukha habang kinukunan ng video. Mga tangay-tangay na damit, gamit, at may buong freezer pa! Sa ibang bansa, sa panahon ng kalamidad, may utos ang gobyerno na barilin kaagad ang mga mahuhuling nagnanakaw sa mga bahay at establisimento. Dito, walang nagawa ang otoridad. Sana naman ay maparusahan kahit papano ang mga nakitang nagnakaw. Kung kailan nagkakandarapa pa naman ang buong bansa para tulungan ang mga nasalanta ng bagyo, ganyan naman ang ipakikita ng ibang humihingi ng tulong.
- Latest















