Uso ba ang bastos?
MUKHANG uso ang pambabastos sa mga bisita ngayon. Gaya ng ginawa ng ilang taga-media mula Hong Kong sa kanilang pagtatanong kay President Aquino sa Bali, Indonesia. Nasa Indonesia si Aquino para dumalo sa APEC CEO Summit. Dahil sa kanilang walang respetong pagtatanong sa Presidente, pinalabas sila ng Indonesian security, at pinagbawalang bumalik sa pagtitipon. Kinansela ang kanilang mga ID. Ngayon, panay ang sigaw nila na sinugpo ang kanilang karapatan bilang mamamahayag. Kahit umiyak pa sila ay wala talagang lugar para sa bastos na tao, lalo na sa opisyal at pormal na okasyon.
Mabuti sa insidenteng ito may nagawa kaagad na aksyon at parusa. Hindi ganito ang naging nangyari sa 63-anyos na Pilipina, na nagtungo sa US para dumalo sa kasal ng kanyang anak at para bisitahin na rin ang kanyang apo. Paglapag niya sa Seattle International Airport noong Oktubre 1, hiniwalay siya sa mga ibang pasahero. Nilagay siya sa isang maliit na silid, at dito na nagsimula ang kanyang kalbaryo. Paulit-ulit siyang tinanong kung ano ang pakay niya sa US, at sa halip na kumpleto ang kanyang mga dokumento, visa na multiple entry hanggang 2017, at nakailang beses na ring nakarating ng US, ay ayaw pa ring maniwala ng mga Amerikano na kasal ng kanyang anak ang pupuntahan. Ang tingin sa kanya umano ay isang caregiver na magiging TNT. Anim na oras siyang nasa silid na tila isang bilanggo, hindi binigyan ng tubig o pagkain at nang hindi na makayanan ang kanyang pinagdadaanan, pinapili kung babalik na lang sa bansa, o ipapasok siya sa kulungan. Siyempre bumalik na lang siya.
Mahirap talaga kapag minamata ka ng mga tao. Sa kasong ito, wala silang karapatang gawin ang kanilang ginawa, dahil kumpleto naman ng papeles ang bisita. Ano ang masasabi ni Amb. Harry Thomas sa insidenteng ito? Siyempre wala dahil mapapahiya ang mga Amerikano, at ayaw nilang napapahiya, hindi ba? Paano pala kung ang mga dumating na player ng NBA ay ganundin ang ginawa sa kanila, kahit sila’y mga sikat na tao, at pinaghinalaang mga miyembro ng West African drug syndicate at ipinabalik na lang sa US? Hindi kaya sinugod tayo ng kanilang Navy Seals? Binomba ng kanilang mga missile? Ilagay naman nila sana sa lugar ang kanilang mga paghihinala. Hindi lahat ng maykaya sa Pilipinas ay mukhang Kastila. Sa madaling salita, hindi lahat ng maykaya ay maputi tulad nila. Mukhang hindi pa lubos na nawawala ang diskriminasyon sa US. At mga Pilipino naman ang pinupuntirya.
- Latest