EDITORYAL - Huwag magturuan kapag binaha
NOONG Lunes ng gabi ay binaha na naman ang Maynila. Bumaha sa España St., Laon Laan, Dapitan at Sta. Cruz area. Binaha rin ang paligid ng Manila City Hall at bahagi ng Taft Avenue. Kahapon ay may mga lugar sa Quezon City na binaha dahil sa malakas na ulan. Ngayong araw na ito ay magpapatuloy pa rin daw ang pag-ulan, sabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Adminisration (PAGASA). Inaasahan na babaha uli sa maraming lugar sa Metro Manila.
Sa sunod-sunod na pagbaha na nagbigay pasakit at pagkatuliro sa maraming empleado, estudyante at mga residente, lalong nadagdagan ang bigat nang magturuan ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at Metro Manila Development Authority (MMDA) kaya bumaha sa Metro Manila.
Sabi ng MMDA, ang mga hindi natapos na road repair at drainage projects ang dahilan kaya bumabaha sa Metro Manila particular ang Maynila. Hanggang ngayon daw ay nakatiwangwang ang mga kalsada at nakanganga ang mga imburnal. Walang madaanan ang tubig kapag umuulan kaya naiipon sa kalsada. Binanggit ng MMDA ang road at drainage projects ng DPWH sa Laon Laan at A. Mendoza Sts. na mahigit isang taon nang ginagawa subalit hindi pa nataÂtapos. Grabe ang baha sa Laon Laan na iniiwasan ng motorista. Hindi pa rin tapos ang project sa Tayuman at Rizal Avenue.
Pero ang sagot ng DPWH ang MMDA ang dapat sisihin sa pagbaha sapagkat mabagal daw itong magbigay ng permiso sa kanilang projects. Kung mabilis daw naaprubahan ang permit sa pagsasaayos ng mga kalsada at drainage, maaaring natapos na ang kanilang proyekto.
Uso na naman ang turuan at pagsisisihan. Sa halip na magturuan ang DPWH at MMDA, pagtuÂlungan nilang resolbahin ang baha. Magtulong sila sa paglilinis ng mga estero na kadalasang napupuno ng basura. Sa estero ang tungo ng tubig subalit hindi makaagos dahil sa barado nang maraming basura. Magtalaga sila ng mga taong magsasaayos ng trapiko sa mga binahang lugar. Bilisan naman ng DPWH ang pagsasaayos sa kanilang road at drainage projects.
Hindi makakatulong ang pagtuturuan sa panahong ito.
- Latest