^

PSN Opinyon

Bagong batas naman sa baril

K KA LANG? - Korina Sanchez - Pilipino Star Ngayon

PAGKATAPOS lagdaan ni President Aquino ang bagong batas laban sa pagmamaheho ng lasing o sa ilalim ng impluwensiya ng iligal na droga, nilagdaan naman niya ang bagong batas ukol sa pag-aari ng baril sa bansa. Ang bagong batas ay naglalahad ng mga bago at mas istriktong patakaran at kundisyon para makabili ang isang pribadong mamamayan ng baril. Dinagdagan din ang parusa para sa iligal na pag-aari ng baril. Sa madaling salita, ginawang mas istrikto, mas mahirap ang pag-aari ng baril ngayon, at mas mabigat ang parusa kung lumabag sa mga patakaran.

Pero katulad din ng batas laban sa pagmamaneho ng lasing o naka droga, hindi ko alam kung talagang magi­ging mahirap ang pag-aari ng baril. Nandyan pa rin ang pagkakataon para mapadali o mapabilis ang pag-aari ng baril, na iaalok ng mga nagbebenta. Paano nga naman sila makakabenta kung ubod ng hirap ang mga kinakailangang dokumento at proseso? Pati ang mga psychological testing at dahilan kung bakit kinakailangan ng baril ay magagawan ng paraan. Hindi naman magwawala ang isang tao habang kumukuha ng lisensya. Pag may lisensya na, lalo na ang lisensiya para mailabas sa tahanan ang baril, iyan ang delikado! Kapag napasabak sa matinding trapik at may nakaalitan. Kapag nakipag-argumento dahil sa parking. Kapag uminit ang ulo at gustong magyabang. Iyan ang mga sitwasyon kung saan lumalabas na lang ang baril, at nagiging sanhi ng trahedya.

At paano mo nga naman malalaman kung talagang hindi kriminal ang isang tao? Paano kung magiging kriminal pa lang, pag may baril na? Maaaring bago nga ang batas, pero ang pagpapatupad nito ng masinsinan, iyan ang kailangan pang makita. Ang tunay na pagiging mahigpit at istrikto sa mga bagong patakaran at dokumento, iyan ang kailangan pang makita. Hindi minamaliit ang bagong batas. Pero lahat naman ng batas ay epek­tibo lamang kung ang mga nagpapatupad nito ay tapat sa kanilang tungkulin at trabaho.

Mas gusto ko sanang makita ang isang probisyon sa batas na kapag nasangkot sa isang walang kuwentang sitwasyon, tulad ng mga alitan sa kalsada, at inilabas o ginamit ang baril, ay deretsong kulong na, wala nang tanung-tanong. Kapag ginamit ang baril kahit hindi naman kinakailangan, tulad ng pagmamayabang o kung walang kalaban-laban ang katunggali, kulong kaagad.

Matinding parusa ang magbibigay takot sa mga lalabag ng batas, wala nang iba. Kung alam nilang makakalusot, hindi mata­takot ang mga iyan.

BARIL

BATAS

DINAGDAGAN

KAPAG

KUNG

PAANO

PERO

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with