Brillantes, maari i-impeach sa binulsang intel funds
LABAG sa Saligang Batas ang pag-convert ni chairman Sixto Brillantes Jr. sa intelligence funds ng savings ng Comelec. Maari siyang ma-impeach dahil sa culpable violation of the Constitution.
Malacañang mismo ang nagbisto ng P30-milyong intel funds ni Brillantes. Ani deputy presidential spokesperson Abigail Valte, galing ito sa savings ng Comelec sa 2012 budget. Humingi si Brillantes ng okey ng Pangulo, na ibinigay nu’ng Pebrero, na gawing intel funds ang savings.
Paglabag ito sa General Appropriations Act of 2012. Anang naturang budget law, hindi na maari magkaroon ng intel funds ang mga ahensiyang walang kinalaman sa pulisya o seguridad, tulad ng Comelec. Binubulsa lang kasi ng mga kawatang opisyales ang intel funds.
Binabawal ng Konstitusyon (Article VI, Legislative DepartÂment, Section 25-[5]) ang paglipat-lipat ng general appropriations. Maaring ilaan ng Pangulo, Senate President, House Speaker, Chief Justice, o hepe ng constitutional commissions ang savings para sa ibang aprubadong proyekto -- kung may batas para rito.
Walang ipinasang batas ang Kongreso na nagpapahintulot sa pag-convert ng Comelec savings sa intel funds. Binawal nga ito sa GAA-2012. Kaya hayagang nilabag ni Brillantes mismo ang Konstitusyon.
Naunang binunyag ni ex-commissioner Gus Lagman ang pagbubulsa ng Comelec intel funds. Binigyan siya ng P1.25 milyon para sa intel nu’ng magtatapos ang 2011. Marso 2012 nang payuhan siya ng Comelec finance chief na pirmahan lang ang isang-pahinang report ng imbentong gastusin at mapapasa-kanya na ang pera. Nasuklam, isiÂnoli ni Lagman ang pera.
Inamin ni Brillantes na ang P1.25 milyon ay bahagi ng kabuuang P10 milyon: tig-P1.25 milyon ang anim na commissioners, at doble ang kanya, P2.5 milyon, bilang chairman. Malamang binulsa na rin niya ang P7.5-milyong parte niya mula sa bagong P30 milyon nitong Pebrero.
- Latest