Ano na ang sunod na kilos?
PABABAYAAN ng Palasyo ang Ombudsman na humawak ng kaso laban kay dating AFP comptroller Jacinto Ligot at ang kanyang asawa. Ito ay matapos ipawalambisa ng Korte Suprema ang freeze order sa mga ari-arian ng mag-asawa. Higit anim na taon na ang inabot ng nasabing freeze order, pero tila wala pang kilos ang prosekyusyon para magsampa ng kasong forfeiture para sa mga ari-arian ng mga Ligot, na hinihinalang bunga ng matinding pangungurakot at korapsyon noong nasa pwesto pa ang heneral! Labag daw ito sa mga karapatan ng mag-asawa. Kaya kung ano ang gagawin ng mag-asawa ngayong pwede na nilang “hawakan†ang kanilang milyones ay kayo na lang ang mag-isip! Posible kayang hindi na makita ang mag-asawa, at sumali na sa mga hinahanap ng gobyerno na tila parami nang parami?
Kung may dapat sisihin sa nangyari, ito ay ang mga prosekyutor na humahawak ng kaso! Bakit nga naman hindi naasikaso ang pagsampa ng forfeiture cases para sa mga ari-arian ng mga Ligot? Parang biglang tumigil ang pag-usad ng kaso. Dahil ba hindi na pinakikita sa TV ang mga pagdinig ng kaso? Dahil ba may mga kumilos na para protektahan si Ligot, at baka kung sino pa ang kanyang masangkot? Ano ang nangyari sa loob ng anim na taon, tatlo dito ay sa ilalim ni President Aquino?
At tila hirap ding makakuha ng pabor na desisyon ang gobyerno mula sa Korte Suprema. Pinatigil ang RH Bill, ngayon naman, binigyan ng kalayaan ang mga Ligot na samsamin ang kanilang kayamanan! Ano pa kaya ang hindi makukuha ng administrasyon ni Aquino? Siguro patunay na rin na hiwalay talaga ang hudikatura at ehekutibo. Na hindi “rubber stamp†ni Aquino ang Korte Suprema, di ba?
Pero sana naman ay galingan ng gobyerno ang kanilang pag-uusig. Katulad niyan, hindi na natin alam kung ano ang susunod na kilos ng mga Ligot at maari na nilang mailabas ang kanilang kayamanan. Kayamanan na ayon mismo sa maraming sundalo, para sana sa kanilang kagamitan, kanilang kaligtasan.
Maraming sundalo raw ang namatay, dahil sa kakulangan ng kagamitan, na nabili sana ng perang nakurakot umano ng mga Ligot! Ano pala ang nangyari sa BIR, na gustong samÂsamin na ang mga ari-arian ni Ligot noong 2011? Nakuha ba nila, bago lumabas ang desisyon ng Korte Suprema? Napakaraming tanong sa kasong ito, na tila walang pag-asang matatapos!
- Latest