^

PSN Opinyon

Nahuli ang pagpapatawad

IKAW AT ANG BATAS! - Jose C. Sison - Pilipino Star Ngayon

Parehong may hinahawakang kompanya sina Larry at Arnie. Noong Pebrero 2008, nakumbinsi ni Larry si Arnie na mamuhunan sa importasyon ng mga sako (jute sacks) mula sa China sa pamamagitan ng isang kompanya sa Hong Kong. Mabibili raw ang sako sa halagang P5.35 kada piraso at may nakaabang nang bibili nito sa halagang P12.25 kada piraso. Nakumbinsi si Arnie at nagpakuha ng isang kargamento kay Larry na naglalaman ng 20,000 sako sa halagang P137,000.

Upang mabayaran ang importasyon, pinakuha ng letter of credit ni Larry si Arnie sa CTB, ang kanyang banko. Sumunod naman ang huli. Pinapagdeposito muna ng CTB si Arnie ng P100,000 at pinapagsumite ng mga dokumento. Kumuha ng pera sa ibang banko niya si Arnie at saka bumalik sa CTB kasama si Larry.  Tapos na ang oras ng banko kaya hindi na sila nakakuha ng letter of credit. Iminungkahi ni Larry na ideposito muna ni Arnie ang pera sa kanyang account sa CTB. Pumayag si Arnie at pinapirma na lamang niya si Larry bilang katibayan sa tinanggap niyang pera. Nakasaad sa pinirmahan ni Larry na isosoli niya ang pera sa oras na hindi matuloy ang transaksiyon.

Habang hinahanda ang mga dokumentong kaila-ngan, natuklasan ni Arnie na ang talagang halaga ng mga sako ay P16.15  kada piraso at hindi P5.35. Dahil malulugi lang siya sa papasuking negosyo, pinakansela ni Arnie ang letter of credit at hiniling kay Larry na ibalik na sa kanya ang P100,000. Hindi naisoli ni Larry ang pera kahit paulit-ulit na itong hinihingi ni Arnie. Bandang huli, napilitan na si Arnie na kasuhan si Larry ng estafa.

Depensa naman ni Larry, hindi raw niya kinuha ang P100,000. Nagamit daw niya ang pera sa pagpapasuwel-do sa tao, opisina at iba pang bayarin na may kinalaman sa puwestong kinuha nila ni Arnie. Mayroon din daw silang napagkasunduan na maghahati sila sa anumang kikitain sa negosyong papasukin bagaman walang dokumentong pinirmahan ukol dito.

Matapos ang paglilitis, noong Marso 11, 1997 ay na­patunayan ng korte na nagkasala si Larry sa kasong estafa dahil talagang nakakuha siya ng P100,000 mula kay Arnie para sa importasyon ng mga sako. Napatunayan din ng korte na hindi natuloy ang nasabing transaksiyon at hindi naibalik ni Larry ang halagang P100,000.

Nag-apela si Larry sa CA. Habang nakabinbin ang apela, gumawa ng Affidavit of Desistance si Arnie  noong Oktubre 25, 1999 bilang patunay na hindi na siya interesadong ituloy pa ang kaso laban kay Larry.  Noong Abril 10, 2000 ay ipinaalam ito ng piskalya sa korte kasama ang affidavit of desistance bilang patunay na ayaw na ni Arnie na ituloy pa ang kaso. Hiningi nila na isaalang-alang ng hukuman ang nasabing dokumento sa pagdedesis­yon sa kaso.

Ang desisyon ng CA ay hindi pa rin pabor kay Larry.  Sinang-ayunan lamang ng CA ang desisyon ng mababang hukuman. Hinatulan pa rin si Larry ng pagkabilanggo mula 2 taon 11 buwan at 11 araw hanggang 15 taong pagkakabilanggo. Tama ba ang CA?

TAMA. Hindi sapat ang isinumite ni Arnie na affidavit of desistance upang ibasura ang kaso. Sa oras na magsampa na ng kaso sa korte ay hindi na sapat na basehan ang dokumentong nabanggit upang balewalain ang kaso. Sa sitwasyong ito, pinatawad ni Arnie si Larry dalawang taon matapos makapagdesisyon ang korte sa kaso.  Kung tutuusin, wala na ring halaga ang ginawang pagpapatawad ni Arnie. Hin-di magiging mabuting halimbawa kung babalewalain ang mga testimonya kinuha ng korte sa paglilitis dahil lamang nagbago na ang isip ng testigo sa kung anumang dahilan. Kapag nagkataon, magiging katawa-tawa ang paglilitis at mamanipulahin lamang ng mga tusong testigo ang korte.  Sa kaso rin ni Arnie, may posibilidad na magbago ang isip niya at hindi na niya mababawi ang nasabing affidavit lalo at itinigil na ang prosekusyon ng kaso. (Catalina vs. People, G.R. 167805, November 14, 2008).

AFFIDAVIT OF DESISTANCE

ARNIE

HABANG

HONG KONG

KASO

KORTE

LARRY

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with