End of the world
BAGO ang lahat, tinatawagan ko ng pansin ang mga kasamahan kong members in good standing sa Capampangan in Media, Inc. (CAMI) kaugnay ng aming gaganaping general assembly meeting sa Biyernes (December 28) sa Bale-Balita sa Clark sa ganap na 10:00 ng umaga.Sa mga taga-Metro Manila mayroong shuttle bus na maghihintay sa inyo sa Annabel’s Restaurant sa Tomas Morato St. QC sa ganap na alas-7 ng umaga.
Kung maraming hindi naniwala sa doomsday pro-phecy na hindi naman nangyari kahapon, mayroon din namang mga naniwala.
Mula nang ako’y magkaisip, marami nang hula na magugunaw na ang mundo sa ganito at ganoong petsa na pawang hindi naman naganap.
Noong July 14, 1959 ay nagkaroon din ng ganyang hula at marami ang naniwala. Ang nanay ko nga ay maagang naghanda ng hapunan at ang sabi’y “maaga tayong magsalu-salo at baka hindi na natin matikman ang huling hapunan.” Pero dumating pa ang kinabukasan at buo pa rin ang mundo.
Kung nananalig tayo sa Biblia na Salita ng Diyos, hindi natin dapat sunggaban ang ganyang mga hula at paniwalaan. Ang sabi mismo ng Panginoong Hesus: “Walang nakakaalam kahit ako o ang mga anghel dahil tanging ang Ama lamang ang nakakaalam ng takdang oras.”
Sa tuwing may sumusulpot na ganyang malagim na hula, marami ang nababahala. Yung iba’y nagpapakamatay pa.
Naniniwala akong may katapusan ang daigdig gaya ng sinasabi ng Salita ng Diyos. Subalit sa araw-araw at bawat segundo ng buhay natin ay may nangyayaring katapusan ng mundo sa mga taong na mamatay sa iba’t ibang dahilan sa iba’t ibang lugar.
Iyan ang ating dapat paghandaan at isipin upang bago maganap sa atin ang ating “end of the world” ay manampalataya tayo kay Kristo at tanggapin siyang Panginoon at tagapagligtas, mamuhay nang matuwid upang pagdating ng araw na yaon ay makapiling natin ang Diyos sa kanyang kaluwalhatian. Maligayang Pasko sa lahat.
- Latest