'Hit and run'

KAWALAN ng disiplina ng mga motorista ang itinuturong dahilan sa paglobo ng bilang ng mga kaso ng aksidente sa lansangan.

Sa datos na nakuha ng BITAG mula sa Metropolitan Manila Development Authority, umaabot sa 200 insi­dente ng road crash o aksidente sa kalsada ang naitatala araw-araw.

Malaking porsiyento mula sa istatistikang ito ang kaso ng hit and run lalo na sa mga nakaka-aksidente ng mga taong tumatawid sa daan o pedestrian.

Nanlulumong lumapit sa tanggapan ng BITAG ang mga magulang ni Gelo, isa sa mga biktima ng hit and run.

Humihingi ng hustisya ang mag-asawa sa pagkama-tay ng kanilang pitong taong gulang at nag-iisang anak nang sagasaan ito ng isang pampasaherong jeepney.

Nakilala rin ng BITAG isa sa mga kalaro ng kanilang anak na siyang naglahad ng buong pangyayari sa nangyaring aksidente sa bata.

Kuwento ng batang kalaro ni Gelo, hinabol lamang daw ni Gelo sa tabing kalsada ang gulong na kanilang pinaglalaruan sa bakuran ng kanilang bahay.

Nagulat na lamang sila nang makita ang malakas na pagkakabundol kay Gelo ng isang pampasaherong jeepney.

Subalit imbis na huminto at tulungan ang batang nakahandusay na sa kalsada, nagawa pa ng drayber ng jeep na humarurot palayo at tumakas.

Samantalang ang operator at may-ari ng jeepney na na­kasagasa sa bata na si Renato Empleo, hindi maituro ang kinaroroonan ng kanyang drayber at wala man lamang tulong na iniabot para sa biktima.

Ito ang suliraning kinakaharap hindi lamang nina Grace at Dario kundi   ma-ging ng iba pang mga biktima ng krimeng hit and run.

Sa tuwing may mga ak­sidente sa kalsada, tanging    mga pasahero lamang sa­kay ng pampasaherong sasakyan ang makakatanggap ng kaukulang bayad mula sa insurance.

Subalit ang masaklap na katotohanan, walang third liability insurance ang mga pampublikong sasakyan para sa mga pedestrian na naaksidente nila.

Kaya naman karamihan sa mga kaso ng hit and run, dinadaan na lamang sa aregluhan dahil sa kawalan ng pag-asang maresolba ito.

Panoorin ang buong pag­dodokumento ng BI­TAG sa nangyaring ak­sidente sa batang si Gelo at ang mga ginawa naming hakbang kasama ang ina ng biktima para makamtan ang hustisya sa namatay na anak.

Para sa inyong mga   sum­bong at tips tumawag sa 9325310 o 9328919 o magpa­dala ng text message sa 09192141624 o mag-email sa bahalasitulfo@hotmail.com o magsadya sa BITAG Headquarters #299 Syjuco Bldg. Kalaw Hills, Tandang Sora, Quezon City mula Lunes hanggang Biyernes alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.

Show comments