^

PSN Opinyon

'Kinaibigan ko'y linta...!'

- Tony Calvento - The Philippine Star

MAGTITIIS ka pa ba na pumila, maghintay at magbayad para sa isang pelikulang alam mo na ang katapusan?

May ideya si Floromeno Gadaza na hindi aayon sa kanya ang takbo ng istorya pero simula nang makilala niya si Virgilio “Boy” Iglesia, umasa siya na baka maiiba ang kalalabasan at mapapabor sa kanya.

Nagsadya siya sa aming tanggapan at sinabing tawagin daw namin siya bilang si “Flory”, 56-anyos ng Muntinlupa City. 

Aminado siyang bakla. May-ari ng isang salon sa Alabang.

Awang-awa si Flory gabi ng ika- 11 Hulyo, 1998 nang humingi ng tulong sa kanya si Boy. Natanggal daw kasi si Boy sa trabaho bilang welder sa NAPOCOR. Madungis, luma ang pantalon at naka-sandals na may partible.

Walang kamag-anak si Boy na pwede niyang matuluyan kaya nakitulog siya sa bahay ni Flory. Nagkwentuhan sila at nalaman ang buhay ng isa’t isa. Simula nun naging malapit sila.

Nangutang si Boy dahil may sakit siya na galing umano sa isang babae. Kinabukasan, sinamahan niya ito sa Las Piñas Hospital.  Si Flory ang sumagot ng lahat ng gastos sa gamot.

Isang araw kinuwento ng kapitbahay ni Flory na may nagpunta daw sa ‘compound’ nila. May naghahanap daw kay Boy na isang bakla. Ang pangalan daw ay “Edwin”, na galit na galit dahil tinakasan ni Boy ang utang niya dito. Kinausap ni Flory si Boy. Hinahabol daw siya ng taga ni Edwin kaya niya ito tinataguan.

Nangutang na namang muli ito sa kanya. Dahil malakas ang kita ni Flory ay siya ang nagbayad ng utang sa tindahan at tumubos ng nakasanlang ATM ni Boy sa canteen ng NAPOCOR.

Nangako si Boy na maghahanap ng trabaho at babayaran ang mga nahiram kay Flory. Nag-umpisang magduda si Flory dahil lagi daw walang pera si Boy pero nahuli niya itong nagbi- beer house. Ayaw naman niyang makialam kaya’t hinayaan lang niya ito. 

Nagsimulang maningil si Flory. Nagdrama naman daw si Boy. Masaklap daw ang dinanas niya sa buhay. Nung bata ito ay pinaampon siya sa kaibigan ng kanyang ina. Natutulog siya sa kalsada at walang makain. Nagtinda daw ito ng ‘ice drop’. Elementary lang ang inabot ni Boy. Nilalait din daw siya ng iba nilang kapitbahay. Nawala sa isip ni Flory ang kinukolektang ingreso at sa halip ay mas naawa kay Boy.

Nagplano daw si Boy na mag-ibang bansa. “Hayaan mo Flory pagdating ko sa ibang bansa babayaran ko lahat ng utang ko sa’yo”, sabi ni Boy.

Taong 1999 pinakilala ni Boy si Flory sa kanyang ina na si Mercedes Alarilla. Wala daw itong matirhan. Nakiusap si Boy na pahiramin muna ito. Ang ginawa ni Flory siya muna ang nagbayad ng kubo ni Mercedes sa Saragoza Nueva Ecija sa halagang Php10,000.

Nabibigatan na si Flory sa ipinapapasan sa kanya ni Boy. Taong 2006, tinulungan niya ito na asikasuhin ang pag-iibang bansa.

“Babayaran daw niya ako kapag nakaalis siya kaya ginamit ko na mga koneksyon ko para lang makapag-OFW siya”, sabi ni Flory.

Isang araw tumawag ang agency na “Mansoor Labour Supply International Manpower Services sa Padre Faura. Sinabi kay Boy na handa na siya para sa Pre Departure Orientation Seminar (PDOS).

Gabi-gabi daw nitong tinititigan ang passport niya. Hindi makapaniwala si Flory na tuluyan na silang maghihiwalay dahil ilang taon na din silang naging magkaibigan at nasanay na sila na laging magkasama.

Tinuruan ito ni Flory ng mga dapat gawin. Ang mga customer ni Flory sa parlor ay sumuporta din. Nagbigay ng pera pang ‘pocket money’ ni Boy.

Namili sila ni Flory ng maleta, bagong damit at sapatos ni Boy. Bagama’t durog-durog na ang kalooban ni Flory, ayaw niyang ipakita ito kay Boy dahil para sa kanya ang isang tunay na kaibigan, iispin kung anong ikagaganda ng buhay ng isa.

Ika- 17 ng Oktubre 2006 ay lumipad na papuntang Dubai si Boy.

Isa siyang ‘welder’ sa Algeco at kumikita ng mahigit sa Php20,000. Dalawang taon ang kontrata nito. Ang usapan nila ay magpapadala si Boy ng pera bilang pambayad sa utang nito.

Hindi pa man nakakabayad ng utang ay sinabi ni Boy kay Flory na bumili ng bahay. Hati daw sila sa pagbayad para siguradong may tutuluyan siya pag-uwi ng Pilipinas.

Taong 2007, kumuha siya ng bahay sa Filinvest San Pedro Laguna na nagkakahalaga ng P1.2 Milyon. Nasa Php17,000 kada buwan ang huhulugan nila sa loob ng sampung taon.

“Nakapangalan sa amin ang bahay kasi sabi ni Boy hati kami para daw makasiguro ako na babayaran niya ako”, kwento ni Flory.

Umabot sa halagang Php300, 000 ang lahat ng inabono ni Flory. Bigla na lamang hindi na nagparamdam si Boy. Sinulatan niya rin ito sa Dubai upang singilin ang mga utang nito ngunit hindi ito sumasagot.

“Ang gusto ko lang ibalik niya lahat ng pera ko. Nangako siyang magbabayad siya hindi naman niya tinutupad. Ano po bang kaso ang maari kong isampa laban sa kanya?”, sabi ni Flory.

Ang huli niyang balita ay nagbakasyon si Boy sa Pilipinas. Naniniwala siya na kinaibigan lang siya ni Boy para huthutin ang kanyang pera.

Nakapanayam namin siya sa aming programang CALVENTO FILES sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (tuwing 3:00 ng hapon).

BILANG AKSYON, humingi kami ng tulong sa Public Attorney’s Office (PAO) upang makapagsampa si Flory ng kasong ESTAFA o ‘Violation of Article 315’ ng ating Revised Penal Code para sa inutang na halagang Php 90,000.

Kasong ‘Collection of Sum of Money para sa hindi niya nabayarang parte sa bahay na pinakuha niya na ngayo’y naremata at napurnada na ang perang kanyang pinambayad.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, hindi maiwasang isipin namin na nagkagusto itong si Flory kay Boy. Hindi rin malayo na isang “user” itong si Boy. Isang linta na kumapit at ginamit lamang itong si Flory at pinerahan.

Ang anumang namagitan sa kanila ay dapat ihiwalay sa perang inutang at ipinangako na babayaran. Yan ang malinaw!

 Isang kaibigan na trinato niya ng maayos at tinulungan at nang makaalis na ay lumipad na tangay na rin ang pera niya na wala naman umanong balak na bayaran pa. Panloloko yan para sa sariling kapakanan.

 Inalam ng aming staff na si Aicel Boncay kung may Facebook account itong si Boy. Nadiskubre namin na “Ver Virgilio” ang pa­ngalan nito at may mga litrato ito na nakatira na nga siya sa Pilipinas.

Ihanda mo ang iyong sarili Boy na kami’y makikipag-ugnayan sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Bureau of Immigration and Deportation para sa iyong ‘travel records’ upang ikaw ay maipatawag sa ating embahada. Kailangan mong harapin ang kasong isasampa laban sa’yo.  (KINALAP NI AICEL BONCAY) Sa gustong dumulog ang aming numero ay 09213263166, 09198972854 at 09213784392. Ang landline 6387285 at 24/7 PLDT hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Boulevard., Pasig City mula Lunes-Biyernes.

BOY

DAW

FLORY

NIYA

PARA

PHP

SIYA

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with