UNDAS…IKA-1 ng Nobyembre 2011…alas kwarto pasado ng umaga. Madilim pa ang paligid… nasa kanto ng Dr. Alejos St., La Loma si Marlon ng lapitan ang isang puting kotseng nakahinto sa kahabaan ng Paang Bundok…pilit nitong kinakaskas ang gulong paalis sa batong nakaharang.
“Pare may problema ba?” tanong ni Marlon.
Umiling ang drayber… maya-maya isang duguang kamay ang lumabas mula sa ilalim ng kotse. Inakala ni Marlon na malik-mata lang lahat subalit ulong biyak na ang sumunod na lumabas. Gumapang ang katawang naliligo sa sariling dugo palapit sa kanya.
Ito ang nakakilabot na karanasan ni Marlon Neri, nasa edad 30 pataas nang maabutan ang nakabundol na si Audie Estenzo na patakas na umano. Drayber daw siya ng CES BON Technology Inc.
Nagsadya sa aming tanggapan si Mildred Datiles, 46 anyos, ina at tiyahin ng dalawang binatang biktima ng rumaragasang sasakyan sa Amorato Sr. Ave., Iriga St., Brgy. Paang Bundok, La Loma.
“Pare! Taaa-ooo ito!” nanginginig na sabi ni Marlon habang nakatitig sa isang lalakeng biktima na sa katagalan nalaman nilang si John Nicole Datiles o “Jan-Jan”, 18 anyos.
Hinila ni Marlon si Jan-Jan. Pagsilip niya sa ilalim ng Mitsubishi Canter nabigla siya ng makitang may mga tao pang naipit dito. Nakapatong pa ang mga paa ng isang biktima sa balikat ng isa pang lalake. Nanakbo si Marlon at humingi ng tulong.
Rumesponde ang mga Quezon City District Traffic Enforcement Unit, Balintawak- Trafic Sector I, SOCO maging mga Media.
Dineretso sa Chinese General Hospital si Jan-Jan para gamutin. Ang ibang biktima dalawang oras ang tinagal sa sasakyan bago maalis.Bangkay na ng ilabas.
Nagulat ang lahat ng makitang isa lang pala ang naipit dito. Sa tindi ng pagkakabundol, gumulong sa ilalim ng canter ang isa pang biktima. Si Jhon Cliford Soliven alyas ‘Paltok’, 26 anyos, pinsan ni Jan-Jan.
“Parang fishball ganun na ang itsura ng pamangkin ko…” pagsasalarawan ng ina ni Jan-jan na si Mildred sa pamangkin.
Halos mabalatan ang buong katawan…nakasampa na ang mga paa sa kanyang balikat. Ganito ang sinapit ng naipit na katawan nito.
Walang malay ang pamilya ni Midred na nasama din sa insidente ang pamangkin. Sa ospital na ito naikwento ni Jan-Jan, nang mahimasmasan.
Kwento umano ni Jan-Jan sa ina. Alas kwatro pasado ng umaga ng pumunta silang magpinsan sa Mayon, sa Long Life. Bumili sila ng tinapay pang-almusal.
Habang naglalakad pauwi bigla na lang silang niragasa ng isang Mitsubishi Canter Dropside may plakang RES 482, pagmamay-ari umano ng isang Jefferson Tan na noo’y may lulan ng mga salaming ginagamit sa pinto at bintana.
Mabilis ang pangyayari, sumalpok na lang ang sasakyan na minamaneho ni Audie. Halos mawalan ng malay si Jan-Jan, naramdaman na lang niyang nakahiga na siya sa sahig.
Paglingon niya tumambad sa kanya ang parang nabilot na katawan ng pinsan. Nahimatay siya sa takot. Nagising na lang siyang nasa ospital.
Tinanggi ito ng drayber. Giit daw niya, nagtutulakan ang magpinsan sa daan kaya nahagip.Wala daw siyang kasalanan sa nangyari aksidente umano ang lahat.
Dinepensahan naman ito ni Mildred, nabalita kasi sa telebisyon ang sinapit nila Jan-Jan. Sa footage na nakuhanan ng ABS-CBN-News kung saan napalabas ito, umamin daw si Audie na nakainom nang makasagasa.
Agad na sumuko ang drayber sa mga pulis at nakulong sa QCPD-Station I. Nagsampa ng kaso sina Mildred ika-2 ng Nobyembre 2011 sa Prosecutor’s Office ng Quezon City para sa kasong Reckless Imprudence Resulting to Homicide and Serious Physical Injuries.
Si Jan-Jan kahit putok ang ulo at puro sugat sa katawan isang araw lang namalagi sa ospital. “Sabi ng doktor ‘wag muna siyang ilabas pero wala kaming pera pambayad kaya pumirma kami ng waiver,” ayon kay Mildred.
Walang nakitang bali sa x-ray examination ni Jan-Jan subalit hangang ngayon kumikirot pa rin ang kanyang buto. Pinayuhan na sila ng doktor na muling magpatingin subalit hindi na ito nagawa nila Mildred dahil kapos sa pera.
Kwento ni Mildred, malaki ang naging epekto ng insidenteng ito sa buhay ng kanyang anak. Nag-iba na ang ugali nito.
“Takot siya sa dilim. Ayaw niyang ipapatay ang ilaw kapag matutulog. Gising siya sa gabi hangang madaling araw. Tatambay sa labas hangang mag-umaga. ‘Pag sikat ng araw saka siya matutulog,” kwento ni Mildred.
Nagkaroon ng ilang ulit na pagdinig sa kaso hanggang mailabas ang resolusyon. Dalawang buwang nakulong si Audie subalit nakapagpiyansa para sa pansamantala nitong paglaya.
Kasalukyan ng dinidinig ang kasong ito sa Regional Trial Court, Quezon City-Branch 78 sa sala ni Judge Fernando T. Sagun Jr.
Sa ilang itinakdang paglilitis hindi sumipot itong si Audie. Nilabasan siya ng ‘bench warrant’, subalit ng muling humarap sa korte pinaliwanag niyang namatay umano ang kanyang ina. Hiningian na siya ng Death Certificate kung totoo nga ito at kapag walang maipakita ipapakulong siya ng Judge.
Maliban sa kasong kriminal na sinampa nila Mildred gusto rin nilang magsampa ng ‘civil case’ dito kay Audie para mabawi ang lahat ng nagastos nila. Ito ang isa pang dahilan ng pagpunta nila sa aming tanggapan.
Itinampok namin sa “CALVENTO FILES” sa radyo. “HUSTISYA PARA SA LAHAT” ng DWIZ882 KHZ (tuwing 3:00-4:00) ang istorya ni Mildred.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, pinaliwanag namin kay Mildred na dahil hindi nai-file ang kasong kriminal na may danyos maari siyang magsampa ng kasong sibil laban kay Audie, kung inihayag nila sa korte na nirereserba nila ang kanilang karapatan para habulin ito sa isang kasong sibil… sa isang aksyong legal.
Ang gagawing batayan para sa kanilang hinihinging bayad sa perwisyong sinapit nila, kompyutin ang gastos sa ospital na may resibo at ang mga araw na hindi siya nakadiskarte para kumita ng pera. Kapag nasuma na nila kailangan din naman sila maglagak ng ‘filing fee’.
Sakaling walang kakayahang magbayad nitong drayber, dito na papasok ang tinatawang na Quasi Delict. Ibig sabihn kahit itong si Audie ang nakadisgrasya ang may ari ng sasakyan o ang kumpanya ay pwede ring habulin para sa kasong sibil kung mapapatunayang ‘regular driver’ nga nila ito at ginagampanan niya ang kanyang trabaho sa utos ng kanyang amo ng mangyari ang insidente.
Para lubusang matulungan sina Mildred, ni-refer namin siya kay Atty. Ma. Gemma Dee, Head of Legal Review-Philippines ng ODIN Legal Intelligence para matulungan at para siya ang humarap sa korte sa panig ng pamilya ng biktima.
(KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)Ang aming numero 09213263166(Aicel) /09198972854(Monique) /09213784392 (Pauline). Landline 6387285 at 24/7 hotline 7104038. Pumunta sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Lunes-Biyernes.