Sunod - sunod Nagpapakita ng pagiging maton at gustong manakot sa loob ng classroom. Sa totoo lang, marami nang kasong ganito pero hindi lamang nagsasalita ang biktima o nam-bully. Maaaring ayaw nang iparating sa kanyang magulang at baka ipatawag lamang sa school at magkaroon pa ng gulo. Mayroon namang mga biktima ng bullying na natatakot magsumbong sapagkat baka resbakan siya ng kaklaseng maton. Kaya minabuting manahimik na lamang at hayaang i-bully ng kaklase.
Pero hindi na maganda ang nangyayari sa ginagawang pambu-bully sa mga eskuwelahan (ma-pribado man at ma-publiko). Paano’y nasasangkot na ang mga magulang at kaibigan sa gulo. Mayroong iginaganti na lamang ang na-bully. Katwiran ay para patas na lang sila.
Kagaya ng insidente sa isang pampublikong eskuwelahan sa Las Piñas City kung saan dalawang lalaki ang pumasok at binugbog at tinutukan ng baril ang nam-bully umano sa kanilang kaibigan. Ayon sa report, palabas na umano ng school ang nam-bully nang makita ng dalawang lalaki. Nilapitan ito at saka sinampal, sinuntok at sinipa at pagkatapos ay tinutukan ng 9mm pistol. Pagkaraan ay nagmamadaling tumakas sakay ng motorsiklo pero may nakakita sa pangyayari kaya naitawag agad sa mga pulis. Nahuli ang dalawa. Nang tanungin, sinabing iginanti lamang daw ang kanilang kaibigan. Nakakulong na ang dalawa.
Pambu-bully rin ang dahilan kaya naman sinaksak at sinuntok ng isang estudyante sa Colegio de San Agustin ang kanyang kaklase. Ang masakit, nakisali ang ama ng sinaksak at tinutukan ng baril ang nanaksak. Nang kapanayamin ang nanaksak, kaya raw niya nagawa iyon ay dahil binu-bully siya ng ka-klase na kanyang sinaksak. Matagal na umanong ginagawa iyon sa kanya kaya hindi na siya nakapagtimpi. Inalisan naman ng lisensiya ng baril ang nanutok.
Ang mga school ang may responsibilidad sa nangyayaring ito. Dapat nalalaman ng pamunuan ng school kung may nangyayaring bullying sa kanilang compound. Dapat tinatanong nila isa-isa ang mga estudyante ukol dito. Guidance counselor ang dapat magsasagawa ng pag-iimbestiga o pag-usisa. Hindi na dapat lumaki ang gulo o umabot sa karahasan ang kaso ng pambu-bully.