Si Roxas ang pipili ng bagong PNP chief

PAULIT-ULIT na ibinabando ni President Aquino na papalitan na si PNP chief Dir. Gen. Nicanor Bartolome. Ang pagbabando ay hindi nakatutulong sa imahe ni Bartolome. Magreretiro na si Bartolome sa Marso. Habang nasa Russia si Aquino, sinabi nya na si Bartolome ay bababa na sa puwesto at papalit kay DILG Usec. Rico Puno. Nang makauwi na, sinabi naman ni Aquino na si Bartolome ay maagang magreretiro para bigyan ng panahon ang papalit sa kanya para maagang magkaroon ng preparasyon ang pulisya sa May election. Siyempre, sunud-sunuran lang si Bartolome sa kagustuhan ni Aquino dahil appointed official lang siya. Subalit habang paulit-ulit na binabanggit ni Aquino ang pagreretiro ni Bartolome, naging basehan ito para sabihin ng kanyang kabaro sa Camp Crame na lameduck PNP chief na siya.

Dahil lameduck PNP chief na siya, lahat ng gagawin sa ngayon ni Bartolome ay wala nang saysay. Hindi na niya maisulong ang anumang naiisip niyang programa dahil alam ng lahat kakapusin ang oras niya. At lahat nang sasabihin ni Bartolome ay maaring sabihin na mababasura na lang dahil maaga siyang pinagreretiro ng Malacañang. Goodbye na lang sa mga alituntunin ni Bartolome kung meron man siyang programa para sa PNP. At higit sa lahat, hindi na lalapitan ng kanyang mga kapwa opisyal si Bartolome tulad ng para sa promotion nila dahil wala na siyang pangil sa PNP. Tingnan n’yo kung sinong opisyal sa Camp Crame ang nilalanggam ang opisina sa nga-yon at tiyak siya ang papalit kay Bartolome. Kung sabagay, lahat ng opisyal sa Camp Crame at iba pang PNP headquarters sa bansa tulad ng MPD, ang matunog na papalit kay Bartolome ay si Dir. Alan Purisima.

Pero baka kumambiyo ang hangin dahil sa huling sinabi ni Aquino na bahala na si DILG sec. Mar Roxas na magtatalaga ng bagong PNP chief.

Hindi ko alam kung nag-usap na sina Aquino at Roxas tungkol sa papalit kay Bartolome. Pero umugong na rin na kung si Roxas talaga ang masusunod, ang magiging kapalit ni Bartolome ay ang bata niya na si Chief Supt. Cipriano Querol, ang hepe ng Special Action Force (SAF) ng PNP. Si Querol ay dating provincial director ng Capiz, ang probin­siya naman ni Roxas. Da­lawang taon din itong PRO6 director.

Para naman maiwasang sabihin na lameduck PNP chief siya, pilit na ibi­nabando ni Bartolome na tatapusin niya ang termino sa Marso subalit huli na ang lahat. Abangan!

Show comments