EDITORYAL - 'Ondoy'

TATLONG taon na ang nakalilipas mula nang manalasa ang bagyong “Ondoy” sa Metro Manila at mga karatig probinsiya. Ang bagyo ay nag­dulot nang grabeng pagbaha. Mahigit 100 tao ang namatay at bilyong halaga ng ari-arian ang nasira. Hindi ang lakas ng bagyo ang naghatid ng takot sa mamamayan noong Setyembre 26, 2009 kundi ang baha na umabot hanggang sa third floor ng bahay. Maraming residente sa mababang lugar ang nag-akyatan sa bubong para makaligtas sa rumagasang baha.

Tatlong taon na ang nakaraan subalit mayroon pa ring hindi natututo sa aral ni “Ondoy”. Sa kabila na maraming nasira at napinsala, patuloy pa rin ang kawalan ng disiplina sa pagtatapon ng basura. Ang mga basura ang isa sa mga dahilan kaya nagkaroon ng baha. Nagbara sa mga daluyan ng tubig ang mga plastic na supot at iba pang hindi nabubulok na bagay. Patunay ang maraming basura na nakolekta sa loob ng mga bahay sa Provident Village sa Marikina na grabeng nasalanta ng baha. Ayon sa mga residente, pawang basura ang inanod sa loob ng kanyang bahay. Mga plastic bags, supot, cup ng noodles at marami pang iba. Hindi kinaya ng mga ilog, sapa at kanal ang sandamukal na basura.

Isa pang itinuturong dahilan ng pagbaha ay patuloy na pagputol sa mga punong­kahoy. Walang sindak ang illegal loggers kahit pa ipinag-utos ni President Aquino noong naka­ra­ang Pebrero 2011 ang logging ban.

Walang takot kung ibiyahe patungong Maynila ang mga troso. Para bang sinusubukan ang tapang­ ng gobyerno. Ang talamak na pagputol sa mga punongkahoy ang nagdulot ng landslide at pagbaha sa maraming lugar sa bansa. Kalbo na ang mga bundok at patuloy pang sinisira.

Basura at illegal logging ang dahilan ng pagbaha noong “Ondoy” at hanggang ngayon ito pa rin ang problema. Nang manalasa ang habagat ilang linggo na ang nakararaan na nagdulot ng pagbaha, ang basura pa rin at illegal logging ang dahilan. Daan-daang truck ng basura ang nakuha sa Manila Bay.

Nangyari ang “Ondoy”. Nanalasa ang habagat. Marami pang susunod at babahang muli dahil sa basura at malawakang pagputol sa mga puno. Kailan matututo?

Show comments