Krimen: Gaano ba talaga katalamak?
GAANO na katalamak ang krimen? Ilarawan natin:
(1) Ang kriminal ay nagdi-disguise na pulis. Ang pulis naman ay nalululong sa krimen. Walang masulingan ang taumbayan. Mantakin mo, pati anak ng bagong hepe ng Philippine National Police sa Metro Manila ay pinagtangkaang kikilan ng police patrol.
(2) Alam ng mamamayan, miski bata, na bawal ang jueteng. Pero lantarang kumubra ng taya at maghatid ng panalo ang kubrador. Tatlong beses kada araw ang bolahan. Walang ginagawa ang lokal ng pulis. Kaya alam ng mamamayan na protektor sila ng gambling lord. Wala na tuloy silang tiwala sa pulis. Iniisip nila na okey pala maging ilegal.
(3) Taun-taon tuwing papalapit na ang Pasko, tumitindi ang krimen. Dumadami ang drug pushers. Tumitindi ang street crimes tulad ng Estribo Gang, Ipit Gang, Laslas Gang, Kotong, Zest-O Gang, Akyat-Bahay, Dura Gang, Ativan Gang, Dugo-Dugo Gang. Nagpapakawala ng mga bilanggo - lalo na sa Ozamiz City - para mangholdap ng banko, armored car at money exchanges sa Metro Manila at Southern Tagalog.
(4) Sa 143,000 pulis sa buong Pilipinas, 60,000 ang wala o sira ang baril. Tapos, ngayong nagdaos ang PNP ng transparent bidding para sa 60,000 handguns, kinuwestiyon pa na kesyo maanomalya. Pero sa totoo lang, hindi lang opisyales ng National Police Commission ang nagbantay sa bidding, kundi, mas mahalaga, NGO reps at TV-radio-print reporters.
(5) Sinisibak nga ang mga tiwaling pulis, pero nakakabalik sila sa serbisyo (tulad nu’ng nangikil sa anak ng heneral at ‘yung nangharang sa convoy ni President Noynoy Aquino). Kung hindi naman, pinapayagan sila na iuwi ang service firearms at badge. Nagagamit nila ito sa krimen: extortion, kidnapping for ransom, protection racket.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest
- Trending