Panunutok ng baril sa eskuwelahan

AYON kay Mrs. Tony Lopez-Gonzales na nakatira sa marangyang Dasmariñas Village sa Makati, matagal na raw tinitiis ng kanyang apong si Jaymee, 18, ang madalas na pangungutya at pang-aapi ng ilang mga kaklase nito sa Colegio San Agustin (CSA). Noong umaga ng Agosto 30, pilit daw hinihipo ng tawagin na lang nating alyas Joey ang ari at puwit ni Jaymee. Ang kasama naman nitong si alyas Jojo, isa ring menor de edad, ay nagsasalita raw sa kanya ng masama. Napikon na si Jaymee kaya gumanti. Tinusok niya ng ballpen sa balikat si Jojo at sinapak naman sa mukha si Joey.

Dahil sa pangyayari, tinawag sa Faculty Room ang mga bata. Dito na inabot, bandang tanghali, ng ama ng alyas Jojo, isang Alan Canete Bantiles, si Jaymee. Sa police report at sa paglalahad ng nagreklamo, saksi ng lahat ng nasa silid noon ang mga pinagsasabing banta ni Bantiles sa bata. Hinahamon, sinampal at binantaan. Sa takot ay pilit na humihingi ng paumanhin si Jaymee sa pagkakasakit niyang pisikal sa dalawang umano’y nang-aapi sa kanya. Ngunit hindi rin naman napigilan ang nakakatanda. Hiningi umano ni Bantiles sa driver ang kanyang bag. Saka bumunot ng isang baril at sabay tutok sa mukha ni Jaymee! “Gusto mong barilin kita ha? Ha?” Hindi na nga siguro nakakibo ang mga walang silbing fa-culty na puro babae. Naiisip ko lang na dapat ay napigilan na ang lalaking ito, bago pa nabunot at naitutok ang baril! Siguro dapat hindi rin pinapasok na may kasama pang drayber/bodyguard! E, paano kung pumutok ang baril? Wala bang guwardiya roon? Ganyan ba talaga sa CSA?

Dumaan ang maraming araw na walang kibo ang

CSA. Nagtatanong ang pa-

milya ni Jaymee kung anong aksiyon ang ginagawa ng CSA sa nangyari pero hindi raw sila sinasagot. Samantala, ang sinuspende pa ng CSA ay si Jaymee! At sina alyas Jojo at Joel ay pumapasok pa rin. Nakabalik na sa school si Jaymee. Nalaman ko sa Lola ni Jaymee, nananakot pa rin si Jojo sa kanyang apo. Ang CSA, isang prestihiyosong private school ng mga mayayaman ay wala pang sagot dahil may proseso raw bago mapayagan ng Father Rector nila kung ano ang sasabihin sa media. Ayaw ding magsalita ng Parent-Teacher Association (PTA) ng CSA!

Ayon sa DepEd, may pa nanagutan ang eskuwelahan sa dalawang isyu: Itong pang-aapi o bullying umano ng mga estudyante sa kapwa estudyante na isang seryosong isyu na ngayon sa ibang mga bansa at sumisipol na ring isyu dito sa Pilipinas at pananagutan sa nangyaring karahasan sa loob mismo ng eskwelahan. Ang pang-aapi sa bata ng kamag-aral ay halos ordinaryong nangyayari. Ngunit kung dati ito ay pinababa-yaan nalang ngayon ay tukoy na itong isang seryosong dahilan kung bakit dumarami ang suicide sa kabataan. Ito rin ang dahilan kung bakit nagbabago ang ugali ng isang bata, bumababa ang grado at nababalot ng takot sa pagpasok araw-araw. Ang ganitong bagay ay dapat isinusumbong sa mga guro at dapat pinananagot ang bata sa gabay din ng magulang. Sa DepEd, hindi pinapayagan ang aregluhan kapag may naisumbomng na ganitong pangyayari. Dapat ay may mananagot.

Samantala, sa panuntunan ng DepEd sa ganitong mga insidente dapat ay bumubuo ang eskwelahan ng komite para imbestigahan ang pangyayari. Ang Colegio naman daw ay nag-iimbestiga na. Nagtataka lang ang pamilya ni Jaymee kung bakit masyado yatang nagtatagal at ni hindi sila sinasabihan kung ano na ang nangyayari. Malamang dahil nasa media na. Nakakainis nga naman ang ganyan. Ang apo mo na nga ang tinutukan ng baril sa loob mismo ng eskuwelahan, ito pa ang nasuspindi at walang pasabi kung mapa-parusahan man lang ang mga nang-api at nanutok!

Sinubukan naming kunin ang pahayag ng mga Ban- tiles ngunit kahit sa bahay nila ay wala daw doon ang mga amo, ayon sa kasambahay.

Konektado sa malalaking tao itong si Bantiles. May sticker nga ito sa Dasmariñas Village kahit hindi ito nakatira roon dahil binigyan ng pass ng isang bigatin na nakatira doon. Pero may topak yata ang taong ito.  Kaya rin siguro ganoon ang ugali ng anak. Mahirap manghusga. Pero hindi maaaring palampasin ang ganitong ginawa, sobra ito, sobra. At kung nais ng Colegio San Agustin na mapreserba ang reputasyon nitong maayos naman bilang isang tinitingalang private school, bilis-bilisan nila ang kanilang mga rekomendasyon sa mga nagkasala. Dahil hindi agad makakalimutan ng publiko ang ganitong nakabitin na kaso na naman ng panunutok. Lalo namang hindi makakalimot ang mga nabiktima.

Show comments