KAILANGANG patunayan ng mga pulis na mas mahu- say sila kaysa masasamang-loob.
Ito ang iginiit ng aking anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada kaugnay ng pagtaas ng bilang ng krimen sa National Capital Region (NCR). Ikinadismaya niya ang napaulat na paliwanag ng PNP na matalino na ngayon ang mga kriminal at nakakaisip na ng mga makabagong modus sa pagsasamantala sa kapwa.
Mula Enero hanggang Hunyo 2012, umabot na sa 29,231 ang naitalang krimen sa NCR. Mas mataas kumpara sa 18,671 na naitala noong Enero-Hunyo 2011. Ayon kay Jinggoy, kailangang mas mahusay ang mga pulis kaysa mga kriminal. Ito nga mismo aniya ang layunin ng pagbibigay ng pamahalaan ng kaukulang suporta sa PNP lalo na sa kanilang mga pagsasanay, kagamitan at iba pang pangangailangan sa pagganap ng tungkulin.
Kaugnay nito, pinuna niya na masyadong magastos, kumplikado at maraming kakulangan ang kasalukuyang sistema ng police training program sa ilalim ng DILG Act of 1990 kung saan ang mga training institution partikular ang PNP Academy (PNPA), Philippine National Training Institute (PNTI) at National Police College (NPC) ay nasa mandato ng Philippine Public Safety College (PPSC).
Iginiit ni Jinggoy ang pagpapatibay sa kanyang iniakdang Senate Bill 3218 na mag-aamyenda sa DILG Act upang ilagay mismo sa PNP ang “administrative supervision and operational control” ng PNPA, PNTI at NPC. Ang hakbangin ay makatutulong nang malaki upang maging tunay na epektibo ang mga pulis sa kampanya laban sa kriminalidad.
* * *
B-day greetings: Rep. Carlos Padilla ng Nueva Vizcaya (Set. 19); Bishop Emilio Layon Bataclan ng
Iligan at Mayor Teresa Nieva Reodica ng Magdalena, Laguna (Set. 20); Rep. Nicanor Briones ng AGAP partylist at Rep. Jonathan Cabilao Yambao ng Zamboanga Sibugay (Set. 23).