^

PSN Opinyon

'Pusong lalaban' (huling bahagi)

- Tony Calvento - The Philippine Star

 ITINAAS ni Jun ang bote ng C2 sabay sabi, “Alam mo ba ang laman nito… asido. Ibubuhos ko ito sa mukha mo, tutal yan naman ang pinag-aagawan.”

Ilan lang ito sa pananakot na dinanas ni “Flor” sa kamay ng asawang si Jun. Gigising siyang nakatayo sa harap niya ang asawa. May dalang kutsilyo sabay sabing, “Nakikita mo ba ito… subukan mong umalis papatayin kita!”

Magkasunod naming tinampok ang seryeng ito tungkol sa umano’y pananaksil ni Geralyn Tango-an, 29-anyos sa sekyung asawa na si  Igmedio Tango-an Jr. o “Jun”, 35-anyos.

Matapos ma-ere sa CALVENTO FILES sa radyo ang “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 KHZ (tuwing 3:00-4:00) si Jun, sumunod naman ang mainit na paghaharap ni Jun at ng asawang si Flor.

“Hindi po totoo iyon! Wala  po akong dalang kutsilyo. Bakal lang iyon na maliit, yung parang batuta…” paliwanag ni Jun.

Tinatakot lang daw niya ang asawa dahil lagi raw itong tumatawag sa lalaki niya. Ang lalaking tinutukoy ni Jun ay iba pa raw sa kumpare niyang si “Alex”. Nakilala niya umano ang lalaki sa Korea…si “Totoy”.

Giit ni Flor, wala silang relasyon. Ito raw ang tumulong sa kanya sa Korea na maghanap ng trabaho. Gusto raw niyang bumalik sa Korea para makatulong sa kapatid. Kapag humihingi kasi siya ng pera sa asawa, sinusumbatan  pa siya.

Sa parte naman ni Jun, paliwanag niya, maliit lang kasi ang kita niya.

Para hindi makaalis ang asawa, ang pagsunog sa passport at mga dokumento nito ang naisip na paraan ng mister.

Tinanong namin si Jun, kung bakit habol siya nang habol kay Flor.  Sagot ni Jun, “Sobrang minahal ko ang asawa ko! Mahal na mahal!”

Wala rin daw siyang balak saktan ang asawa, “Hindi asido ang laman ng C2. Tubig lang…” pag-amin nito.

Ang pananakot na ito, pinagsisihan na raw niya. Nagawa lang niya ito sa sobrang pagmamahal.  Hindi naman kami naniwala dahil nung araw na magkita sila sa aming tanggapan pananakot ni Jun kay Flor, “Sasama ka sa akin sa ayaw mo’t sa gusto kundi bubuhatin kita pabalik!”

Pagtanggi ni Jun, “Gusto ko lang umuwi ka. Kasi nalulungkot ako. Wala akong kausap iniwanan mo ako… mag-isa. Umalis ka hindi ka na bumalik.”

Sanay na raw si Flor sa pangba-‘blackmail’ nito. Madalas kasing sabihin ni Jun na siya’y magpapakamatay kapag hindi siya umuwi. 

Ilang beses na rin daw niyang pinagbigyan si Jun. Kapag sinusundo siya nito sumasama siya. Matapos mangako, babalik din sa dati ang lahat. Paghihigpitan siya at paghihinalaan.

“Gusto niya nga akong kalbuhin ’wag lang ako makalabas. Sinasabihan niya ko ng P)14 P0!4!. Kaya umalis na ako ng bahay,” kwento ni Flor.

Lahat nang ito, tinanggi ni Jun subalit mismong tiyahin ni Flor saksi raw sa mga bugbog na inaabot at pasang naiwan sa pamangkin dahil sa kanyang pananakit. 

Hila at kaladkad ang inaabot ni Flor sa tuwing lalabas.

“Kasi ’pag umaalis siya ’di niya ko sinasama kung saan siya pupunta. Kami na nga lang dalawa ayaw pa niya ko isama!”parang batang sabi ni Jun.

Ang pag-alis-alis nang mag-isa raw ang dahilan kung bakit umano nakapagtaksil si Flor. Para naman kay Flor, nasasakal na siya. Kaya palihim niyang ginagawa ang gusto niya. Gaya ng paglakad ng ‘passport’.

“Napakahirap ayusin ng passport ko wala akong ID pero si­nunog niya lang!” hinanakit ni Flor. Napuno  na si Flor ayaw na niyang balikan si Jun.

“Gusto kong mag-bonding-bonding tayo. Mamasyal, magsaya tayo…” pagsusumamo ni Jun. Kahit anong sabihin, matigas na si Flor. Ayaw na raw niya.

“Umaalis talaga ko sa bahay pero bumabalik ako kapag sinusundo niya ako. Ngayon takot na ’ko sa kanya. Kapag galit siya kung anu-anong ginagawa niya sa akin. Saka ba ako aalis ’pag patay na ako?” pangamba ni Flor.

Nangako si Jun na titigilan na ang pagbabanta, “Mahal na mahal kita Flor! Bumalik ka na. Magbabago na ako, ” pagmamakaawa niya.

Sa halip na patawarin, isang pag-amin ang sinambulat ni Flor. Pinipilit daw siyang makipagtalik ni Jun.

“Tuwing ginagamit niya ko parang nire-rape ka na. ‘Pag ayoko…tumanggi ako sinasabi niya, ‘Bakit sinong gusto mo?!’” wika  ni Flor. 

Pilit nilayo ni Jun ang usapan,“Kalimutan natin ’to Day,” anya  niya.

“Kalimutan na nga kaya mag-kanya kanya na!” matigas na sabi ni Flor.

Binigyan namin ng panahon sina Flor at Jun na makapag-isip. Ilang mahihigpit na yakap at luhod ang ginawa ni Jun subalit luhang patuloy na pumapatak ang naging tugon ni Flor.

Sa harap ng aming mga ‘staff’ at ilang mga security mula sa ‘administration’ hindi nahiya si Jun na lumuhod at magmakaawa.         

“Patawarin mo ako Day! Mahal na mahal kita. Tandaan mo sinabi ko… maghihintay ako. Bumalik ka sa akin ah?” sambit ni Jun habang mahigpit na nakayakap kay Flor. 

Bago siya umalis hinalikan pa niya sa pisngi ang asawa. Si Flor parang batong nakatingin sa malayo, tila walang nararamdamang kahit ano dito sa lalaking una niyang minahal.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, hindi namin mapigilang maawa kay Jun sa kagustuhan niyang magkabalikan sila ni Flor. Ang nangyari lamang sa sobrang pagmamahal nasakal si babae. Hindi porke’t kayo’y kasal, aasta ka nang pag-aari n’yo ang isa’t-isa. Kailangan din ng kaunting luwag at tiwala dahil kapag hinigpitan mo ng hawak, parang buhangin itong lulusot sa’yong mga daliri.

Sa kabilang banda ito namang si Flor, kahit ayaw mo na rito sa asawa mo wala kang karapatan na pumatol sa kung kani-kaninong lalaki. Magpasalamat ka at hindi ka sinasampahan ng kasong ‘adultery’. Malinaw naman kung bakit ayaw mong bumalik sa kanya dahil meron ka nang iba.

Nung una kang walang mapuntahan, siya ang iyong sinandigan. Ngayon na marami nang nakakapansin sa’yo kinalimutan mo na ang lahat ng inyong pinagsamahan.

Pinaliwanag din naman namin kay Flor na mag-isip-isip muna siya. Kapag nag-file sila ng Legal Separation bibigyan din sila ng ilang buwan para paghandaan ang kaso. Ganun din sa ‘annulment’.  Ilang linggo pa lang kayong hiwalay samantalang hindi basta-basta pwedeng itapon ang sampung taon n’yong pinagsamahan dahil may mga mali siyang nagawa sa’yo.

Baka kaya hindi mo mapatawad si Jun ay may nahanap ka nang iba? Asawa mo pa rin siya, may mga ‘legal options’ siyang pwedeng gawin dahil sa dulu-dulo pinindeho mo siya. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) Sa gustong dumulog ang aming numero 09213263166 (Aicel) / 09198972854 (Monique)/09213784392 ( Pauline). Landline 6387285 at 24/7 hotline 7104038. Maari din kayong magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Bukas kami mula Lunes hanggang Biyernes. Email:[email protected]

AKO

FLOR

JUN

KAPAG

NIYA

SIYA

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with