^

PSN Opinyon

'Pusong lalaban'

- Tony Calvento - The Philippine Star

“SA BAWAT PAG-IKOT ng ating buhay. May oras kailangan maghiwalay. Puso’y lumaban man walang magagawa. Liriko ng kantang sumikat na ang pamagat ay ‘Ikaw lang ang mamahalin’.

Tunay na angkop sa seryeng aming sisimulan na siguradong aantig sa inyong damdamin. Si Flor at si Igme ang mga tauhang gagalaw sa kwentong ito.

“Kahit isang daang lalaki pa ang ipagpalit niya sa akin… mamahalin ko pa rin siya”, sabi ng isang lalake.

Bihira na ang mga lalaking naghahabol sa babae. Iba itong si Igmedio “Jun” Tango-an, 34-anyos ng Tondo Manila.

Matagal na daw niyang kinikimkim ang galit. Palagi daw siyang nagbabasa ng ‘PSNGAYON’ at naisipan niyang ikunsulta sa amin ang kanyang problema.

Hindi pa man namin siya nauumpisahang tanungin ay naluluha na si Jun.

Kasong Adultery ang kasong gusto niyang isampa sa asawang si Geralyn “Flor” Tango-an. Pinakita niya sa aming ‘staff’ ang kanyang ‘Facebook Account’.

Larawan ng isang masayang magkarelasyon ang aming nakita. Magkayakap, nakakandong at abot tenga ang mga ngiti nila Jun at Flor. Lahat ng magagandang ala-ala ng pagsasama nila noon iki­nwento ni Jun.

Dating gwardiya si Jun sa Mercury Drug Store ng San Andres Bukid. Napansin niya ang isang magandang dalaga na nagtitinda ng ‘juice at shake’ sa tapat ng kanyang binabantayan. Kahit hindi uhaw inaraw-araw ni Jun ang pagbili dito.

Malaro si Jun sa babae nung mga panahong iyon nagbago lang ito nang sagutin siya agad ni Flor. Taon lang ang binilang nagsama na sila ni Flor. Sinamatala niya ang paghahanap nito ng malilipatan na bahay nun.

“Tutal wala ka namang mapuntahan magsama na lang tayo!” alok ni Jun.

Umupa sila sa Bluementrit kasama ang kumpareng si Alex na asawa ng pinsan din ni Flor. Hindi na pinakawalan ni Jun si Flor.

Taong 2005 niyaya na niya itong magpakasal sa simbahan sa Leyte. Tumira sila sa bahay ng kapatid ni Jun na si Rowel.

Naging maayos ang buhay mag-asawa ng dalawa. Ang problema hindi sila magka-anak. Kailangan uminom si Jun ng gamot dahil siya ang may diperensya.

Ito daw ang pinagsimulan ng away nila. 

“Gumagawa siya ng paraan para magalit ako sa kanya. Parang bigla siyang nanlalamig. Hinahayaan ko na nga lang siyang mag-text at magbabad sa internet palagi”, sumbong ni Jun.

Mabuti daw siyang mister at hindi nambabae. Mas lalong kina-inisan siya ni Flor nang mawalan siya ng trabaho. Nagpasya silang mag-negosyo ng isang sari-sari store.

Ika-20 ng Agosto ay nag-away sila dahil sa paninda. Dalawang araw daw itong hindi umuwi nang sila ay mag-away. “Mahal na mahal kita asawa ko! Huwag mo kong iwan’, sabi daw ni Jun. Nagpumiglas si Flor at lumayas.

Patay daw ang cellphone nito at hindi niya malaman kung sino ang kasama. Nabuhayan ng loob si Jun nang bumalik si Flor. Niyakap niya ito at hinalikan. Hindi na naging mausisa si Jun dahil ang importante ay magkasama sila.

Napansin ni Jun na mailap sa kanya ang asawa. Hindi siya pinapansin nasa isang sulok at panay ang text. Tutok din ito sa computer kaka-chat. “Kahit anong lambing ko walang epekto. Niyaya ko siyang magtalik pero ayaw niya,” wika ni Jun.

Nagulat si Jun nang bigla na lang magpaalam si Flor na magbabakasyon sa South Korea sa kapatid nito. “Pinayagan ko siya dati na naman siyang nagbakasyon dun. Ayaw ko siyang paghigpitan dahil baka lalo siyang mawala sa akin”, wika ni Jun.

Abril 24, 2012 nang umalis si Flor. Ang hindi alam ni Flor pinakelaman ng mister ang kanyang ‘yahoo messenger’. Bistado si Flor at ang umano’y karelasyon. Mas nagulat siya nang malamang si Alex na kanyang kumpare ang lalake ng asawa.

Kinumpronta niya si Flor sa chat. Umamin ito at humingi ng tawad. Pinagbigyan siya ni Jun kapalit ang pangakong puputulin na nito ang ugnayan sa kumpare.

 Sumunod niya namang tinawagan si Alex ni-record niya ang kanilang pag-uusap. Pinarinig sa amin ni Jun ang recorded nilang pag-uusap. 

Pag-amin ni Alex, ika- 26 ng Marso 2012 daw nang mag-sex umano ang mga ito. “Pare gusto na kasing magka-anak ng asawa mo. Sabi ko sa kanya hindi ako pwede dahil nga may pamilya na ako”, sagot daw ni Alex.

Nagkainuman daw ang dalawa sa isang handaan. Hiningi ni Alex ang cellphone number ng ex-girlfriend nito na pinsan ni Flor. Silang dalawa na ang naging mag textmate hanggang sa nagkagustuhan. Nagkita sa Bluementrit at walang oras na inaksaya diretsong nagseks sila sa motel.

Tatlong buwan makalipas umuwi si Flor. Pilit inayos ni Jun ang kanilang samahan subalit hindi daw maiwasang maramdaman niyang muli ang sakit ng pagtataksil ng misis. “Sa tuwing maiisip ko na may ibang lalaki na gumalaw sa kanya nandidiri ako at kumukulo ang dugo,” sabi ni Jun.

Ayon sa kanya dalawang beses na dinurog ang puso niya. May lalake din daw ito sa Korea. Isa umanong Totoy Concepto Noron Wekis ang kinahumalingan nito.

Pagbalik sa Pilipinas ni Flor nahuli na naman ito ni Jun. “Marunong talaga ang Diyos sa dami ng maki-click ko yung history conversation pa sa ym ang nakita ko,” wika ni Jun.

Nanggigil si Jun nang makitang ka-chat daw ni Flor si Totoy. “Kaya pala kating-kati siyang bumalik ng Korea, iba na pala ang pakay niya,” pahayag ni Jun.

Inamin sa amin ni Jun para hindi makaalis ang misis, sinunog niya ang mga passport nito at mga dokumento papuntang Korea. Halos mabaliw siya sa sobrang galit. Pinaghigpitan niya si Flor. Gwardyado sarado ito sa kanya.

Tinanong namin si Jun kung sinasaktan ba niya si Flor. Minsan naitulak lang daw. Nabigla na lang siya isang araw lumayas na lang ito hindi na bumalik.

“Tulungan niyo ako na bumalik ang asawa ko. Mahal na mahal ko siya. Pinapatawad ko siya sa kahit anong kasalanan niya pero kung hindi siya babalik kakasuhan ko na lang siya ng Adultery”, pananakot ni Jun.

BILANG AKSYON, tinawagan namin si Flor. Ayon sa kanya may iba na daw siyang mahal. Mas ramdam niya daw kay Totoy ang pagpapahalaga at tumutumulong sa kanyang magulang. Annulled na din daw ang kasal ni Totoy.

 “Sir… hindi na ko masaya kahit anong pilit ko’, sabi ni Flor.

Tinanggi naman ni Flor ang nangyari sa kanila ni Alex. Hanggang text lang daw yun. Pinarinig namin sa kanya live sa aming programang CALVENTO FILES sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (tuwing 3:00 ng hapon) ang recorded na pag-uusap nina Alex at Jun. “Matatanggi ko pa ba yan? Pinarinig niyo na sa’kin aaminin ko na lang,” sabi ni Flor.

NAIS ni Flor na linawin ang kanyang panig kaya’t pumunta rin siya sa aming tanggapan. ABANGAN ang karugtong ng seryeng ito sa Miyerkules, EKSKLUSIBO  sa ‘CALVENTO FILES’ sa PSNGAYON. (KINALAP NI AICEL BONCAY) Sa gustong dumulog ang aming numero ay 09213784392. 09213263166 o 09198972854. Ang landline 6387285 at 24/7 PLDT hotline 7104038. Maari kayo magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Boulevard., Pasig City mula Lunes-Biyernes.

Follow us on twitter: Email: [email protected]

vuukle comment

ALEX

DAW

FLOR

JUN

NIYA

SIYA

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with