Umalma na ang United States Embassy sa mga nadiskubreng pekeng resibo na ginagamit ng Visayan Forum, isang non-government organization, na kabalikat nito sa programa laban sa human trafficking sa bansa.
Napag-alaman ng US Embassy na kahit noon pang 2005 ay mga pekeng resibo ang pinag-submit ng Visayan Forum para sa patuloy nitong operation.
Nahalungkat ng National Bureau of Investigation ang 32 boxes ng mga pekeng resibo na ginamit nga ng Visayan Forum para mga transaksyon nito. Karamihan nga raw sa mga resibo ay lumabas na mga sarado nang kompanya ang mga katransaksiyon.
Umabot din sa may P300-million ang halaga ng donasyon na binigay ng US Embassy na may pekeng resibo na ginamit ng Visayan Forum.
Kaya hindi na nagdalawang isip ang US Embassy at talagang kinasuhan nito ang mga opisyal ng Visayan Forum ng falsification of documents.
Ngunit hindi nag-iisa ang Visayan Forum sa ganitong gawain dahil marami pang ibang NGO na pinagkaperahan din ng organizers at officials nito lalo na ang sitwasyon sa Mindanao.
Kung tutuusin marami ring NGO ang nagkapera sa patuloy na hidwaan sa Mindanao. Nakakahiya ngunit gasgas na ang plakang “PEACE” na karaniwang ginagamit ng mga NGO upang makakalap ng pondo para sa kanilang kunwari gawain sa Mindanao.
Para sa maraming NGO diyan ang giyera sa Mindanao ay pera at dagdag na pondo sa kanila lalo na ang galing sa foreign donors nila.
Minsan nga may cases ng overlapping ng projects at beneficiaries ang mga NGO na nagdadala ng tulong sa Mindanao.
Marami ring NGO ang pinagkaperahan ang trahedya na dumarating sa ating bansa sa pamamagitan ng hindi pagbigay ng kung anong nararapat para sa ating mga kababayan na mga biktima ng kalamidad.
Ang ginawang audit ng US Embassy sa Visayan Forum sana ay magsilbing halimbawa kung paano ang check and balance mechanism ng ibang foreign at maging local donors ng mga NGO.
Ang masaklap kasi nito ay ang tulong na dapat sa mga intended beneficiaries ay hindi makakarating sa kanila kundi napupunta sa bulsa ng iilang nagpapatakbo ng mga NGO. At iyon ang isang pagkakamali na akala ng mga NGO na gaya ng Visayan Forum ay walang hangganang good time. May katapusan din ang mga maliligayang araw ng mga sinasabing NGO.