USAP-USAPAN ng kanyang kapwa opisyal sa Camp Crame si Calabarzon police director Chief Supt. James Melad. Kung anu-anong drama sa katawan kasi ang pinaiiral ni Melad para makamtan ang pangarap niyang maging chief PNP. Ginagaya kasi ni Melad ang ginawa ng kanyang idol na si dating PNP chief at ngayon ay senador Ping Lacson para mapansin siya. Panay ang dasal ni Melad na maging DILG secretary si Lacson para matupad ang ambisyon niya. Malakas ang ugong noon na si Lacson ang magiging DILG secretary. Sa kasamaang palad, namatay si DILG Sec. Jesse Robredo at ang napiling ipalit ay ang kababayan kong si DOTC Sec. Mar Roxas. Goodbye sa pangarap ni Melad!
Sinabi ng kapwa niya opisyal na ginagaya na ni Melad si Lacson tulad ng pagpasara ng sugal-lupa sa nasasakupan niya. Si Lacson, noong PNP chief pa ay nagpairal ng no-take policy sa lahat nang klase ng sugal. At hinangaan siya sa ginawa niya. Subalit noong panahon ni Lacson nasa mandato niya ang pondo ng buong PNP kaya wala siyang problema maging sa operations lalo na ang laban sa kidnap-for-ransom gangs. Pero si Melad sa PRO4A, ang kanyang pondo lang ay ang monthly operating expenses na sa tingin ng mga kapwa niya opisyal ay kakarampot lang.
Sa pagpasara ng pasugalan sa kanyang area, hindi lang mga station commanders at provincial directors ang nagutom kundi maging ang staff niya. Tiyak hindi naman sira-ulo si Melad na ipamigay ang MOE niya eh paano na lang ang pamilya nya? At ang masakit pa, ilang station commanders din ang sinibak ni Melad dahil sa kapabayaan umano sa illegal gambling. Ang mga staff ni Melad tulad ng deputy for administration, deputy for operation at chief directorial staff ay mga kaklase niya sa PMA Class ‘82. Sumama sila kay Melad sa akalang baka si Lacson ang maupong DILG secretary ay maambunan sila ng grasya. Subalit sa pag-upo ni Roxas at dahil sa gutom, maaring lumisan din sila.
Ang masakit pa nyan, ang PRO4A lang ang nagsara ng mga pasugalan. Sa ibang bahagi ng bansa, bukas na bukas kaya pinagtatawanan ng kanyang kapwa opisyal si Melad. Lumalapit na ang grasya, eh tinanggihan pa niya. At higit sa lahat, ginalit niya ang mga pulitiko sa PRO4A at marami sa kanila ay kapartido ng backer niya na si Vice Pres. Jojo Binay ng UNA. Kaya ang payo ng kanyang kapwa opisyal kay Melad, itigil na niya ang drama! Abangan!