Saktan mo na ang isang magulang ‘wag lang ang kanyang anak, dahil kapag ginawa mo ito, handa silang makipagpatayan.
Ito ang damdaming nakita namin kay Nicanor Villamartin—50 na taong gulang nang idulog sa amin ang hinanakit dulot ng ginawa sa kanyang anak na si “Diane”(‘di tunay na pangalan), 11 na taong gulang, ng Brgy. Pedro Cruz, San Juan City.
Malinaw na isinalarawan sa amin ni Diane ang buong kwento.
Ayon sa kanya, Alas-10 ng Agosto 17, 2012 noon, siya ay nag-aayos ng mga panindang damit sa kanilang stall sa Agora Market sa San Juan City.
Naramdaman niyang may pumasok ng kanilang tindahan at nung siya’y lumingon, isang matangkad na balbas-saradong mama na may turban sa ulo ang dumating.
Malaki at matulis na parang tuka ng loro daw ang ilong nito sabi ni Diane. May makakapal itong kilay at lubog na mga mata.
Ang lalaki ay si Rajwinder Singh o mas kilalang “Raj” na isang Indian National—28 na taong gulang at kasalukuyang naninirahan sa Buesd St. Mandaluyong City.
Pagbungad ni Raj, kinausap daw ang nanay niyang si Corazon “Cory” Villamartin—39 anyos at tinatanong kung nasaan ang kanilang hulog sa inutang na cellphone.
Anim na libong piso ang kabuuang halaga nito at nasa 2,500Php pa ang kulang nila.
Nakiusap muna si Cory kay Raj, “Pasensya ka na nabaha kami at wala pa kaming benta. Ayos lang bang hindi muna kami makapaghulog ngayon?,” pakikiusap ni Cory.
Naaburido daw si Raj at hindi pumayag.
Samantala, nilalaro naman ni Diane ang cellphone habang nag-uusap ang mga ito.
“Inuna lang talaga namin bumili ng pamalit sa mga nasira naming gamit. Bukas makakapaghulog na kami,” giit ni Cory.
“Bukas! Bukas! Kung hindi kayo magbabayad, babawiin ko cellphone!,” naiinis nitong sinabi sabay baling sa cellphone.
Pipindutin na ni Diane ang buton ng kamera sa cellphone para litaratuhan si Raj nang biglang agawin ito sa kanya.
Inilag niya ito. Nagulat at nanlaki ang mata ni Diane dahil sa pagkatitig daw niya’y ani mong naghugis sawang mabuhok ang braso ni Raj at sinagpang ang kanyang kanang braso!
Hawak siya ng mahigpit hanggang sa mapilipit ang braso niya, maagaw lamang ang cellphone! Napahiyaw sa sakit si Diane at hindi napigil maiyak.
Agad umalma ang lola ni Diane, “Bumbay ano ba! Bitiwan mo ang bata!”. Habang natulala naman si Cory.
Pagtingin ni Diane sa kanyang palad, may bakat ng kuko dito.
Naulanigan ni Nicanor ang iyak ng anak mula sa kanilang kwarto.
Pagkakita sa kanya ni Diane sumigaw ito ng “Daddy!,” sabay yakap sa kanya. Halos ilubog ni Diane ang mukha niya sa tiyan ng ama sa sobrang takot.
“Kung may pam-bambo lang talaga akong nakita, maihahambalos ko talaga!”, ani ni Nicanor.
Matapos umano ng insidente ay nauna pa silang ireklamo ni Raj sa barangay ng pagtatangkang pananakit.
Inihagis na lang umano sa mesa ni Raj ang naagaw na cellphone at saka sinabayan ng alis.
Harurot lamang ng motor nito ang kanilang naabutan.
Nais kasuhan ni Nicanor ng ‘Physical Injuries’ si Raj. Nung dinala nila sa istasyon ng pulis ang reklamo ay hindi na nila nahanap umano ang Bumbay upang magpaliwanag.
Hindi rin daw nakatulong ang pagdulog nila sa barangay sapagkat sila itong nagrereklamo pero sila pa daw ang nadidiin. Dito na nila naisip na ihingi ng tulong sa aming tanggapan ang nangyari.
Itinampok namin sa CALVENTO FILES sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (tuwing 3:00 ng hapon) ang problemang ito ni Nicanor.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, maaring gamitin ng depensa ang tungkol sa utang kay Raj, kung saan maiisip na ginagamit ang sinapit ng bata upang matakasan ang kanilang dapat bayaran.
Kung ganito ang magiging pagtingin ng taga-usig, nangangahulugan bang ang nangyaring pananakit sa bata ay walang saysay sa batas? Magkahiwalay na usapin ang utang at ang pananakit sa bata.
Makikita sa resulta ng medical certificate ni Diane na ito’y may pasa, isama pa ang nabuong takot sa isip niya sa imahe ng mga Bumbay tulad ni Raj.
Sa tulong ng mga kaibigan nila mula sa ‘Jesus Miracle Crusade’ kung saan si Nicanor ay isang pastor, nabigyan ng counseling si Diane.
Nang humarap sa aming tanggapan ang bata ay kalmado na ito subalit ikinababahala ni Nicanor ang pagkawala ng dating sigla ng kanyang anak.
Nagsampa na ng kasong ‘Physical Injuries in relation to RA 7610 o Child Abuse’ si Nicanor. Ito ngayon ay nasa Prosecutor’s office na ng Taguig City.
Bilang tulong tututukan namin ang usaping ito. Nais rin naming kunin ang panig ni Raj upang siya’y makapagpaliwanag subalit ibang tao ang sumasagot sa kanyang nirehistrong cellphone number sa pulis.
Hindi rin daw naman hangad ni Nicanor na makaladkad ang anak sa isang mahaba at parusang paglilitis.
“Mas importante ang tuluyang rehabilitasyon ng anak ko mula sa nangyari.” wika ni Nicanor.
Ang pagkabenta ng cellphone ni Raj kay Cory ay isang ‘done-deal’. Sabihin nang hindi nakakabayad sa tamang panahon itong si Cory subalit walang nagbibigay ng karapatan kay Raj na pilipitin ang kamay ni Diane at pwersahang kunin ang gamit.
Ang mga bata ay walang kakayanang ipagtanggol ang kanilang sarili kaya’t sobra-sobra ang proteksyong ibinibigay ng ating batas.
Maari namang magsampa ng ‘(collection) of sum of money’ si Raj nang hindi gumagamit ng dahas.
(KINALAP NI PAULINE F. VENTURA)
Sa gustong dumulog ang aming numero ay 09213263166 o 09198972854 o 09213784392. Ang landline, 6387285 o 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor City State Center Blg. Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.
Follow us on twitter: Email: tocal13@yahoo.com