Editoryal - Ika-6 si Apostol sa tinumba ngayong 2012
AYON sa National Union of Journalist in the Phi lippines (NUJP), si Eddie Jesus Apostol ang ika-anim na mamamahayag na pinatay ngayong 2012 at ika-153 naman mula noong 1986 na naibalik ang press freedom sa bansa.
Kailan nga ba matatapos ang pagpatay sa mga mamamahayag? Ito ang lagi nang itinatanong kapag may tumitimbuwang na mamamahayag. At tila hindi na nga matatapos sapagkat meron na namang bagong itinumba. Natagpuan ang bangkay ng broadcaster na si Apostol, 52, sa isang ilog sa bayan ng Barongis, Maguindanao. Nakatali ang mga kamay at paa ni Apostol at may dalawang tama ng bala sa ulo. Umano’y limang araw nang nawawala si Apostol. Blocktimer siya sa dxND radio station sa Kidapawan City. Bukod sa pagiging broadcaster, konsehal din si Apostol sa Magpet, Cotabato.
Habang paulit-ulit ang pagsasabing “No to Impunity” at kinukondena ang walang tigil na pagpagpatay sa mga mamamahayag, tila wala na itong epekto. Wala nang kinatatakutan ang hired killers. Tila ba sinusunod ang kahulugan ng impunity na “papatay sila sapagkat wala namang napaparusahan sa bansang ito”.
Nangunguna ang Pilipinas sa mga bansang pinaka-mapanganib sa mga mamamahayag. Dati ang Iraq ang pinaka-mapanganib pero nalampasan na ng Pilipinas. Sino ang hindi kikilabutan sa Maguindanao massacre na nangyari noong Nob. 23, 2009 kung saan 57 katao ang pinatay at inilibing sa hukay. Sa 57 pinatay, 31 rito ang mga mamamahayag.
Noong nakaraang taon, pinatay din ang broadcaster na si Dr. Gerry Ortega sa Puerto Princesa City, Palawan. May nahuli ng gunman pero nakalalaya pa ang “utak” sa pagpatay. Mabagal ang pag-usad ng hustisya sa bansang ito.
Noong nangangampanya pa lamang si President Noynoy Aquino, sinabi niyang wawakasan na ang pagpatay sa mga mamamahayag at makakamtan na ang hustisya. Dalawang taon na sa puwesto si Aquino, subalit patuloy pa rin ang pagpatay sa mga mamamahayag. Hanggang kailan ang kalbaryo ng mga mamamahayag?
- Latest
- Trending