TIGOK na ba talaga ang Freedom of Information bill (FOI)? Bakit tila give up na si House Majority leader Neptali “Boyet” Gonzales na nagsabing imposible nang maisabatas ito ng kasalukuyang Kongreso?
Ani Gonzales, kung mapunta ang dokumento sa kamay ng mga pekeng media people, baka ito’y gamitin para siraan ang sino mang opisyal. Kesyo baka raw wala nang magsisilbi sa pamahalaan kapag ginawa silang target ng paninira. Palagay ko, hindi puwedeng siraan ang kahit na sinong opisyal kung walang masisilip sa mga impormasyong makukuha sa alin mang ahensya ng pamahalaan.
Isa pa, ang FOI bill ay hindi para sa proteksyon ng mga nanunungkulang opisyal ng pamahalaan. Ito’y para bigyan ng karapatan ang taumbayan na malaman kung ano ang mga nangyayari sa pamahalaan. Hindi pinag-uusapan ang mga nagpapanggap na media. Hindi lang naman media practitioners ang may karapatang kumalampag sa mga ahensya ng gobyerno kundi lahat ng mamamayan na may stake sa pamahalaan dahil nagbabayad ng buwis. Kung walang itinatagong anomalya ang opisyal, kahit pekeng media pa ang makakuha ng dokumento ay walang dapat ipangamba.
Layunin ng panukalang batas na maging lantad sa taumbayan kung papaano ginagastos ang pondo ng bayan. Transparency wika nga.
Bilang House Majority Leader at Chairman ng Committee on Rules, may poder si Gonzales na ideklarang urgent ang bill. Ngunit hindi man lang inudyukan ni Gonzales si Rep. Ben Evardone, chairman of the House Committee on Public Information, to call a hearing on the FOI bill.
Dating beteranong mamamahayag din si Ben at alam ko na may malasakit siya sa panukalang batas na ito. Kaso naghihintay din siya ng abiso mula sa nakatataas sa kanya.
Ipinagugunita lang natin na ang panukalang batas na ito ay isa sa mga campaign promises ni Presidente Noynoy Aquino. Akmang-akma para sa kanyang isinusulong na matuwid na daan. Isang daang walang bahid ng korapsyon.
Paanong matatamo ng ganap ang layuning ito kung ikukubli sa dilim ang mga transaksyon sa pamahalaan? Sana naman ay makita ng pinagpipitaganan nating Kamara de Representante ang mabuting diwa ng bill na ito.