National Crime Prevention Week ngayon, na pinamumunuan ng Philippine National Police (PNP). May slogan pa sila, “Sa Crime Prevention, May Magagawa Ako!” Ang nais ng PNP ay makibaka na ang mamamayan sa kanilang laban sa lahat ng krimen. Sa madaling salita, magkaroon ng malasakit sa kanilang komunidad para labanan ang mga kriminal. Maging kasama nila sa pagsugpo ng krimen. Totoo nga na maraming matagumpay na pagsugpo ng mga kriminal ay dahil tumulong ang mamamayan. Mga tip kung saan ang mga laboratoryo ng iligal na droga, kung sino ang mga sangkot sa pagtulak ng droga at pagtuturo kung saan nagtatago ang mga hinahanap ng pulis.
Kulang na kulang kasi ang bilang ng pulis para sa mamamayan. Kaya kung matutulu-ngan nila ang PNP, mas magiging epektibo ang pagsugpo ng krimen. Pero ang mahirap, at hindi ko ito sinasabi ng basta-basta lamang, paano kung ang pulis mismo ang nasa likod ng mga krimen? Kanino makikipag-ugnayan ang mamamayan kung ang mga lumalabas na “padrino” ng mga kriminal ay mga pulis rin? Ilan sa atin ang kumportableng lumapit sa pulis, para sa kahit anong dahilan? Ilan ang kampante na kung makikipagtulungan sila sa pulis, hindi sila bubuweltahan ng mga kriminal, lalo na’t kulang na kulang ang bilang ng mga pulis? May magagawa ba talaga ako?
Maganda ang programang ito ng PNP. Binibigyan ng kapangyarihan ang mamamayan. Pero kailangan talaga baguhin na muna ang imahe nila sa tao. Kailangan maibalik na muna ang lubos na tiwala at respeto na dapat naman para sa pulis. At magagawa lamang iyan kung pupurgahin ang PNP ng mga masasamang elemento. Kaya ba ito ng kasalukuyang liderato sa PNP?
Magiging matagumpay ang laban sa krimen kung magsasanib-puwersa ang PNP at ang mamamayan. Parang dinoble o triple pa nga ang bilang ng pulis kung ganun nga ang mangyayari. Pero bago mangyari iyan, kailangan may lubos na tiwala ang tao sa PNP.