NAGTATANONG ang mga cabalen ko’ng Capampangan: Bakit ginawang Clark International Airport and dating Diosdado Macapagal International Airport?
Noong panahon ni Felipe Remollo na dating presidente ng Clark Development Corp. ay pinalitan ang pangalan ng paliparan na dating base military ng mga Kano. Ayaw kong isipin na politika ang dahilan. Pero tanong ng marami: “Dahil ba si Dadong Macapagal ay tatay ni dating Presidente na ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo?
Baka hindi lang napansin ni Presidente Noynoy ito kaya umaasa akong matatawag ang kanyang atensyon. Hindi kasi magandang repleksyon ito sa kanyang liderato.
Ngayong bago na ang pamunuan ng CDC sa pamumuno ni presidente Victor Jose Luciano, sana ay ibalik sa dating pangalan ang paliparan bilang parangal sa kauna-unahang Pangulo ng bansa na Capampangan. Di mapapasubalian na si Cong Dadong (bansag kay Macapagal) ay isa sa mga pinakamagaling na naging Pangulo ng bansa.
Eh sino ba itong si Clark? Sa pagkaalam ko, isa siyang reporter ng Daily Planet na kapag naghubad ng amerikana ay nagiging Superman.
Medyo nagkokomedya lang tayo, pasensya na. Ang totoo, sa mga nakakakilala kay Clark, isa siyang American pilot nung araw. Di ko alam kung ano ang kabayanihang nagawa niya pero ngayong wala na tayo sa pundilyo ng mga Kano, huwag na sana nating dalhin ang pangalan ng mga taong hindi kilala ng mga Pilipino.
Hindi dapat mawala ang ating sense of patriotism nang sa gayon ay manatili itong nakatanim sa puso at isip ng ating mga anak at magiging kaapu-apuhan.
Naniniwala ako na kahit sino na naging Pangulo na bansa ay dapat parangalan. Kung si Ninoy Aquino na di naman naging Presidente ay may Ninoy Aquino International Airport, si President Ferdinand Marcos ay mayroong Marcos Highway, si President Quezon ay may Quezon City at Quezon province, bakit hindi panatilihin sa pangalan ni Presidente Macapagal ang paliparan sa Angeles City?