(Huling bahagi)
Mukhang desidido ang namayapang DILG sec. Jesse Robredo na sugpuin ang pangungurakot at red tape sa kanyang pamamahala. Sa munisipyo, pinakitaan kami ng isang libro na ang tawag ay Citizens’ Charter. Lahat ng bahay at establisimento sa Naga ay binibigyan nito. Nakasulat dito ang mga serbisyo at tulong na kakaila-nganin ng mga Nagueno mula sa munisipyo. Halimbawa, sa pagkuha ng business permit, nakasulat sa libro na ang paghingi ng application form para sa permit ay dapat magtagal lang ng 2 minuto. Nakasulat din ang mga taong lalapitan. Kapag may humingi ng lagay o kaya’y nagtagal sa serbisyo, deretso kaagad sa mayor ang sumbong! Kumbaga’y malinaw ang karapatan ng mga mamamayan at malinaw ang dapat managot sa iregularidad. Nakasaad din dito ang pinaggamitan ng pera ng bayan, hanggang sa huling sentimo! Taun-taon, may bagong edisyon ang Citizens Charter na parang report sa bayan.
Kakaiba si Robredo. Pinag-aaralan daw niya ang lahat ng magandang gawain sa pamamahala ng isang siyudad mula sa ibang bansa sa pamamagitan ng pagbabasa lang. Siya ay matalino, matiyaga, determinado at magaling pang magsulat. Tahimik lang talaga at hindi nauuna ang yabang.
Sa huling pamamaalam ng Gabinete, nagsunod-sunod ang talumpati ng mga kalihim tungkol kay Robredo, at kung anong uri ba ng tao ang dapat manungkulan sa gobyerno. Si Robredo ang taong walang balak magpayaman o magkamal ng kapangyarihan. Kung nakikinig ang mga maiitim at maliliit na maligno riyan, hindi ko lang alam kung nakakalunok pa sila ng kanilang laway habang nakikinig sa mga papuri kay Robredo!
Sige nga? Pakisuri po ang inyong mga mayor o governor ngayon. Yumaman ba habang nasa puwesto? Mayabang ba ang dating at bumabait at nagpapa-pogi lang kapag malapit na ang eleksyon? Umayos ba ang kabuhayan sa ilalim ng pamamahala niya? Malinaw ba na walang tinatago ang mayor ninyo sa kung saan napupunta ang pondo ng nasasakupan? Mabagal ba at magulo ang serbisyo sa munisipyo? Kumusta ang basura? Ang krimen? Umuunlad ba ang negosyo at kabuhayan diyan sa inyo?
Ito ang pamana sa atin ni Robredo. Hindi masasayang ang kanyang buhay kung mayroon tayong matututunan sa kanyang naging buhay at palakad.
Hindi naman sa itinaas ni Robredo ang pamanta-yan. Ganyan naman talaga dapat ang pagseserbisyo sa publiko. Ang sinasabi ni Robredo ay simple: May lingkod bayan na tulad niya. Ang ibig sabihin ay puwede at kaya, kung gugustuhin ng isang lokal na opisyal. At mangyayari kung ito ang pamantayan ng bayan at hindi magtitiis na lang sa mga tamad, mayabang at kurakot na nakaluklok ngayon.