HINDI pa man nag-iinit sa kanyang upuan ang bagong Chief Justice Ma. Lourdes Sereno, umaani na siya ng sangrekwang batikos.
Sa tanggapan mismo ng Korte Suprema, nagtipon sa labas ang mga magsasaka ng Hacienda Luisita na tahasang umakusa sa kanya na “tuta” ni Presidente Aquino.
Masyado naman yatang maaga para batikusin ang isang bagong appointee na hindi pa man nakapagsisimula sa gawain. Gaya nga ng apela mismo ni Sereno, bigyan muna siya ng panahon para mapatunayan niyang karapat-dapat siya sa puesto.
Sabi ni Citizens Battle Against Corruption (CIBAC) party list Rep. Sherwin Tugna, tigilan muna ang pagbatikos sa bagong Punong Mahistrado gayundin sa pag-kuwestyon sa independence nito.
May kasabihan sa Inggles na “the test of the pudding is in the eating.” “Tikman” muna natin ang liderato ni Sereno bago sabihing wala siyang kuwenta. May mga mekanismo naman na puwedeng ipatupad kapag pu-malpak ang Punong Mahistrado. Ito’y tulad ng ipinatupad laban kay dating CJ Corona. Impeachment. Let us give Sereno the benefit of the doubt and the benefit of a honeymoon period.
Si Tugna ay naging miyembro ng prosecution team sa Corona impeachment. Aniya masyadong unfair ang mga napakaagang banat kay Sereno, at ito’y sinasang-ayunan ko. Maaga nga masyado para bumatikos.
Ang kusang pagpapalabas ni Sereno sa Statement of Asset Liabilities and Networth (SALN) ng walang kondisyon ay isang act of goodwill para ipakita sa taumbayan na wala siyang itinatagong ill-gotten wealth. Sana naman ay maghudyat ito ng sunud-sunod na paglalantad ng SALN ng ibang mahistrado ng Kataastaasang Hukuman.
Matapos ang masaklap na kinahinatnan ni Corona na napatalsik sa bisa ng impeachment, naniniwala ako na kahit sino ang pumalit sa puwesto niya ay maninimbang at mag-iisip ng isanlibong ulit bago magbalak ng katiwalian.
Yes, bigyan natin ng tsansa si Sereno na patunayang sinsero siya sa kanyang mabuting layunin para bumuti ang usad ng katarungan sa bansa.