HINDI lamang ang malaking kikitain sa pagdaragdag ng buwis sa sigarilyo ang magandang idudulot kundi pati na rin ang pagkabawas ng mga magkakasakit dahil sa bisyong paninigarilyo. Imagine, sa isang bato na ipupukol, dalawang magandang bagay ang tatamaan. Kapag naipasa ang sin tax bill, kakaunti na ang mga Pilipinong magkakasakit na may kaugnayan sa paninigarilyo at makatitipid ang gobyerno. Gaano kaganda kung ang mamamayan ay ligtas sa pagkakasakit lalo pa sa cancer na idinudulot ng paninigarilyo.
Ayon sa Department of Health (DOH) kapag nag-increase ang tax sa sigarilyo ng 10-percent ngayong taon na ito, mababawasan ng dalawang milyon ang mga naninigarilyo. Paano’y hindi na makakayang makabili ang smoker ng sigarilyo dahil mataas na ang presyo. Madi-discourage na silang bumili. At dahil nabawasan ang consumption ng sigarilyo, mababawasan din ang mamamatay sa sakit dahil sa paninigarilyo.
Ayon sa World Health Organization (WHO), isa sa apat na uri ng cancer ay nakukuha sa paninigarilyo. Sinasabing 71 percent ng cancer death sa mundo ay nakuha sa paninigarilyo. Dito sa Pilipinas, ang cancer sa baga ang nangungunang dahilan ng kamatayan ng nakararaming lalaki. Marami sa mga nagkakaroon ng cancer sa baga ay kabilang sa mga mahihirap na pamilya at namamatay silang hindi na nakapagpapaospital at hindi na nakatitikim ng gamot. Dahil sa pagkasugapa sa sigarilyo, hinahayaan na nila ang kanilang katawan na ngatngatin ng cancer. Maraming namamatay dahil sa kawalan ng disiplina sa sarili.
Sabi ng DOH, huwag nang tingnan ng mga senador ang malaking kikitain ng gobyerno sa sin tax bill kundi ang tingnan ay ang pagsasalba sa buhay ng mga naninigarilyo. Kaya hinihiling nila sa mga mambabatas na ipasa na ang sin tax bill. Huwag na raw mag-atubili sa panukalang batas na ito sapagkat ito ang makabubuti sa mamamayan. Kung mababawasan ang mga naninigarilyo, makakaligtas na rin ang mga nakalalanghap ng second hand smoke.
Ipasa na ang sin tax bill para mailigtas sa pagkakasakit ang mamamayan. Mas mahalaga na malusog at ligtas sa pagkakasakit ang mga Pinoy. Hindi na dapat pang ipagpaliban ang pagpapasa ng sin tax bill.