PAULIT-ULIT na babala at paalala laban sa mga fixer ang ikinakalat sa publiko hindi lamang ng ating gobyerno kundi maging ng media.
Sa katunayan, nitong nakaraang linggo lamang, tina-lakay sa kolum na ito ang kinahinatnan ng isang lala-king nagpadala sa alok ng nakilalang fixer mula sa Land Transportation Office para sa mabilisang pag-proseso ng prangkisa.
Subalit tila bulag at bingi ang karamihan sa ating mga kababayang patuloy na tinatangkilik ang serbisyong inilalako ng mga fixer.
Dumulog sa tanggapan ng BITAG si Joan upang isiwalat ang karanasan sa kamay ng mga putok sa buhong fixer sa Professional Regulatory Board Commission.
Sa hangaring mapadali ang pag-proseso ng kaniyang lisensiya upang maging isang ganap na registered nurse, isa si Joan sa mga nasilaw sa boladas ng nakilalang umano’y empleyado ng PRC na si Jay.
Sa halagang tatlumpung libong piso ay malalakad na daw ang kanyang mga dokumento kahit hindi na siya kumuha ng licensure exam sa PRC.
Kaya naman bilang paunang bayad, nagbigay si Joan ng P15,000 para sa non-appearance na prosesong pagdadaanan niya.
Subalit dala na rin ng takot at pag-usig ng konsensiya, naisipan ni Joan na huwag nang ituloy ang binabalak na pandaraya.
Nang subukan niyang bawiin sa fixer na si Jay ang kaniyang pera, tumanggi ito na isauli ang bayad.
Katwiran ng ka-transaksiyong fixer, naibigay na raw niya ang pera sa taong sana’y mag-aayos ng exam ni Joan.
Nakuha pa ng dorobo na gumawa ng kundisyon kay Joan na maghanap ng iba pang mabibiktima na gagamit sa serbisyo ng fixer sa Civil Service Exam kung nais niyang mabawi ang ibinayad niya kay Jay.
Kilos prontong nakipag-ugnayan ang Extreme BITAG sa Criminal Investigation and Detection Group.
Isang Extreme BITAG undercover na magpapanggap na kukuha ng Board Exam ang ipinain ng mga operatiba sa ikinasang entrapment operation.
Hulog sa BITAG ang fixer ng PRC na nagpapalusot ng mga aplikanteng hindi karapat-dapat sa kanilang mga propesyunal na lisensiya kapalit ang malaking halaga.
Panoorin ang buong dokumentasyon ng pagkakasakote sa inirereklamong fixer ng PRC sa Extreme BITAG Live tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes 7:30 ng umaga sa UNTV Channel 37.
* * *
Para sa inyong mga sumbong at tips tumawag sa 9325310 o 9328919 o magpadala ng text message sa 09192141624 o mag-email sa bahala-situlfo@hotmail.com o magsadya sa BITAG Headquarters #299 Syjuco Bldg. Kalaw Hills, Tandang Sora, Quezon City mula Lunes hanggang Biyernes alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.