MAHALAGANG hakbang ang pagratipika ng Pilipinas sa “Maritime Labor Convention (MLC) 2006”. Ito ay naisakatuparan sa pag-apruba ng resolusyon para rito na co-sponsored ng aking anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada.
Ang MLC ay pangunahing isinulong ng International Labor Organization (ILO) sa pagtitipon nito noong 2006. Batay sa proseso, ang naturang kasunduan ay magka-kabisa makaraan ang isang taon matapos na maratipikahan ito ng 30 ILO member-countries na sumasaklaw sa hindi bababa sa 33 porsiyento ng “gross shipping tonnage” ng buong mundo.
Ang requirement sa shipping tonnage ay naabot noong 2009. Ang Pilipinas naman ang ika-30 bansa na nagratipika nito, kaya’t ito ang nagsilbing opisyal na hudyat na magiging epektibo na ang MLC isang taon mula ngayon.
Sinabi ng ILO na itinatakda ng MLC 2006 ang “comprehensive rights and protection at work” para sa mga seafarer, partikular ang: safe and secure workplace that complies with safety standards; fair terms of employment; decent working and living conditions on board ship; and health protection, medical care, welfare measures and other forms of social protection.
Ang mga bansang nagratipika na ng MLC 2006 ay ang Liberia, Marshall Islands, Bahamas, Panama, Norway, Bosnia and Herzegovina, Spain, Croatia, Bulgaria, Canada, Saint Vincent and the Grenadines, Switzerland, Benin, Singapore, Denmark, Antigua and Barbuda, Latvia, Luxembourg, Kiribati, Netherlands, Australia, Saint Kitts and Nevis, Tuvalu, Togo, Poland, Palau, Sweden, Cyprus, Russian Federation at Pilipinas.
Ayon kay Jinggoy, direktang makikinabang sa MLC 2006 ang may 400,000 marinong Pilipino na nasa iba’t ibang domestic at international shipping company.
* * *
Ang pamilya Estrada ay nakikidalamhati sa pagkamatay ni DILG Secretary Jesse Robredo at dalawang piloto.