NAKIKIUSAP ang mga obispong Protestante at Christian (Born-Again) sa Catholic Bishops Conference of the Philippines: Tigilan ang taktikang pananakot sa mga nagtataguyod ng Reproductive Health Bill. Anang mga obispo, hindi komo mayaman ang isang relihiyon ay maari na nitong pasunurin ang gobyerno dito. Dapat alagaan din ng gobyerno ang kapakanan ng mga hindi kapanalig ng mayamang relihiyon.
Halos 80% ng Pilipino ay Katoliko, pero marami ang hindi nagsisimba, o nag-Protestante o Born-Again. Utos ng CBCP na labanan ang RH Bill sa Kongreso, pero mayorya ng mga Katoliko ay pabor sa batas na tutulong sa mga mag-asawa na magplano ng pamilya.
Pabor sa RH Bill ang United Church of Christ, United Methodist Church, Universal Pentecostal Church, Iglesia ni Cristo, Baptist Conference, Jesus Is Lord, at Philippines for Jesus Movement.
Para sa mga Protestante at Born-Again, may batayan sa Bibliya ang reproductive health. Anang Ecclesiastes 6:3 (Tagalog: Ang Dating Biblia, 1905): “Kung ang isang tao ay magkaanak ng isang daan, at mabuhay na maraming taon, na anopa’t ang mga kaarawan ng kaniyang mga taon ay dumami, nguni’t ang kaniyang kaluluwa ay hindi mabusog ng mabuti, at bukod dito ay wala siyang pangpalibing; aking sinasabing maigi ang isang naagas kaysa kaniya.”
At anang Genesis 1:27-28: “Nilalang nga ng Diyos ang tao ayon sa kanyang larawan. Sila’y kanyang nilalang na isang lalaki at isang babae, at sila’y pinagpala niya. Sinabi niya, ‘Magpakarami kayo at punuin ninyo ng inyong mga anak ang buong daigdig, at kayo ang mamahala nito. Binibigyan ko kayo ng kapangyarihan sa mga isda sa tubig, sa mga ibon sa himpapawid, at sa lahat ng mga hayop na nasa ibabaw ng lupa.’”
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com