GAANO ba kahigpit ang pangangasiwa ng Department of Interior and Local Governments sa mga gobernador, mayor at mga bise? Itinatanong ito ng maraming dumadaing na mambabasa. Halimbawa:
Legal ba ang pagbibiyahe nila sa abroad para sa umano’y “familiarization tour.” Totoo bang may kinalaman ang mga ganyang biyahe sa tungkulin ng mga local officials, tulad ng paglipad kamakailan ng mayor ng isang bayan sa Laguna, kasama ang ilang piling barangay chairmen, sa Bangkok, Thailand? Aprobado ba ang mga biyahe ng provincial boards at city/municipal councils? Aprobado ba ito ng DILG? May budget at limitasyon ba ang mga gastusin? Hindi kaya nauubos lang ang pera ng bayan, at dollar reserves ng Pilipinas?
Meron bang programa para isa-moderno ang mga kagamitan at proseso ng mga kapitolyo, city hall, at munisipyo? Hindi ba dapat obligahin ang local officials na mag-aral at gumamit ng computers at Internet para sa komunikasyon, saliksik, at pag-uulat? Alam ba nila na napapabilis at napapahusay ng modernisasyon ang paglilingkod-bayan?
Idinadaan ba sa tamang proseso ang pag-hire ng personnel sa kapitolyo, city hall at munisipyo — o palakasan lang sa nakapuwesto? Batid ba ng local officials na dapat merong job description at applicant qualifications bago punuan ang vacancy -- upang ma-hire ang pinaka-akma sa plantilya? Batid din ba nila na kung mahinang klase ang local government staff at ibig sabihin mahinang klase rin ang mga pinuno at administrador?
Dalawang isyu ang saklaw ng mga katanungan: Wastong paggastos ng pera ng mamamayan, at mainam na paglilingkod publiko. Naiintindihan ba ito ng ating local executives?
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com