EDITORYAL - Bilibid or Not?
MARAMING kagila-gilalas at kamangha-manghang nangyayari sa New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa City. Yung mga inaakala nang marami na hindi maaaring mangyari ay maaari palang mangyari sa NBP. Halimbawa, may mayayamang bilanggo sa NBP na maaaring magpagawa ng hamburger house, magpalagay ng aircon sa kanilang selda at ang higaan nila ay malambot na kama. Lahat ito nangyari noong nakakulong pa ang dating congressman na naakusahan ng panggagahasa. Ang matindi, may mga bilanggo na maaaring lumabas at mamamasyal saan man nila gustuhin. Isang halimbawa si dating Batangas governor Antonio Leviste. Nadiskubre na dumadalaw si Leviste sa kanyang building sa Makati. Hatid-sundo umano ng sasakyan si Leviste. Kung paano nakalabas si Leviste ay isang malaking misteryo hanggang ngayon.
Kamakalawa, pumutok ang balita na nawawala ang bilanggong si Rolito Go. Umano’y Martes ng gabi nang biglang mawala si Go, kasama ang kanyang pamangking nurse. Noong Miyerkules ng umaga, sinabi ng pamilya ni Go na kinidnap ito at pinatutubos ng P1-milyon. Kahapon, natagpuan si Go sa Batangas.
Nakapagdududa ang sinasabing kinidnap si Go. Paano makikidnap ay halos malapit lang sa gate ng minimum security compound ang chapel na umano’y binabantayan ni Go. Si Go umano ang naglilinis sa chapel. Ayon sa report patungo sa chapel si Go nang kidnapin.
Hindi raw magagawang tumakas ni Go sapagkat sa isang taon ay lalaya na ito. Ngayon pa raw ba tatakas gayung lalaya na.
Lahat nang imposible ay maaaring mangyari sa NBP? Lahat nang mga iniisip na hindi puwede ay puwede palang mangyari. Umano’y kahit nakakulong si Go ay patuloy ang kanyang lending business doon at ang mga umuutang sa kanya ay mga opisyales ng Bureau of Correction (BuCor). Umano, katulad ni Leviste, nakakalabas din ng NBP si Go at dumadalaw sa negosyo nito.
Maraming nangyayaring kabulastugan sa NBP. Kahit palitan nang palitan ang pinuno roon, paulit-ulit na lang ang mga masamang ginagawa. Dapat magkaroon nang todong reporma sa Pambansang bilangguan. Linisin mula itaas pababa.
- Latest
- Trending