MALINAW na nakasaad sa 1987 Constitution na karapatan ng mamamayan na malaman ang mga nangyayaring transaksiyon na ginagawa ng pamahalaan. Karapatang mabatid ang lahat ng polisiya, proyekto at mga programa ng gobyerno kung saan sangkot ang pera ng taumbayan. Bilang taxpayers, dapat mabatid at malinawan ng mamamayan kung saan napupunta ang kanilang ibinabayad.
Pero hanggang ngayon, ang panukalang Freedom of Information (FOI) Bill ay hindi pa nagiging batas. Pawang sa pangarap na lamang ninanamnam ang katuparan ng panukala. Labing-apat na taon nang nakatingga sa kamay ng mga mambabatas at walang makitang liwanag kung kailan aaktuhan. Marami nang panukalang batas ang naipasa sa Kongreso subalit ang FOI Bill ay nananatiling naiwan at nalampasan nang nalampasan. Ilang beses nang pinagpaliban ang pagpapasa sa labis namang nagbigay ng duda sa mga mambabatas na umakda sa nasabing panukala.
Kung ganap na magiging batas ang FOI Bill, maaari nang magkaroon ng access ang mamamayan sa lahat ng mga programang ginagawa ng public officials. Malalaman na ng mamamayan kung paano ginagastos ng kanilang official ang pondo. Malalaman ng mamamayan kung ano ang mga pinasok na kontrata at mga kasunduan at maaari nang makalahok ang mamamayan sa pagsasagawa ng mga desisyon. Malalaman na ng mamamayan kung ano ang ginagawang programa ng public officials para mapabilis ang pagbibigay ng serbisyo.
Dalawampu’t anim na taon na ang nakalilipas mula nang mawala ang diktaduryang pamahalaan ni Marcos at natikman ng mamamayan ang kalayaan sa maraming bagay subalit hilaw pa rin sapagkat ang karapatang malaman ang ginagawa at balak ng pamahalaan ay salat pa rin. Noong 2010, na nangangampanya si President Noynoy Aquino, sinabi niyang susuportahan ang FOI Bill. Mahigit dalawang taon na siya sa puwesto subalit nananatiling pangako ang panukalang FOI.
Ngayon, kaisa kami sa mga nananawagan na ipasa na ang FOI Bill. Dinggin sana ito nina Aquino, Senate President Juan Ponce Enrile at House Speaker Feliciano Belmonte Jr. Ngayon na ang panahon.