Isang anak, dalawang ina

NAKIPAGLIVE-IN si Meldy kay Chito na isang lala-king may-asawa. Nagkaroon sila ng tatlong anak. Ang kanilang bunso ay si Manny. Nang ipanganak ang bunsong si Manny ay may polio na ito. Ipinanganak ito sa isang malaking klinika sa bayan na pag-aari ng isang mayamang doktora.

Iniwan ni Meldy sa doktora ang bata. Mula noon, ang doktora ang nagpalaki at gumastos para magamot ang polio ng bata. Tinuring ng doktora na parang anak na niya si Manny. Dinadala pa nga ang bata sa isang malaking ospital sa Maynila na espesyalista sa lahat ng sakit ng bata hanggang sa ganap na gumaling. Pagkatapos, pinag-aral pa ng doktora ang bata. Mula nang ipanganak ay hindi man lang binisita ni Meldy ang bata at walang binayaran kahit isang kusing sa lahat ng nagastos ng doktora. Sa katunayan, hindi nga nakilala ni Manny ang inang si Meldy. Ang alam niyang ina at tinatawag na “mommy” ay ang doktora.

Noong lima at kalahating taong gulang na si Manny ay naghabol si Meldy at nagsampa ng kaso sa korte para makuha ang kustodiya ng bata. Ayon sa kanya, dapat nasa pangangalaga niya si Manny dahil wala pa itong pitong taong gulang. Makukuha nga ba ni Meldy ang kustodiya sa bata?

HINDI. Ang karapatan ng mga magulang sa kustodiya ng kanilang anak ay kabuntot lang ng pangunahin nilang tungkulin na gampanan ang trabaho nila bilang magulang at bigyan ng lahat ng suporta, edukasyon, gabay (moral, intelektuwal at sibil) upang maging maa-yos ang paglaki ng bata (Art. 356 New Civil Code).

Dito sa kasong ito, pinatunayan ni Meldy na pinaba-yaan niya ang sagradong tungkulin sa kanyang anak.

Hindi niya nagawang ibi­­gay ang pagmamahal at pag-aaruga na kailangan ng anak at imbes ay inabandona pa niya ang sanggol at hindi man lang nakuhang dalawin noong nasa mura pa itong edad kahit alam niya na ito ang panahon na talagang kailangan siya ng bata. Walang buting idudulot kung sapilitan na kukunin ang bata sa kinikilala niyang ina dahil ang pagmamahal at pag-aaruga lang ng ina-inahan ang kilala niya (Medina vs. Makabali, 27 SCRA 502).

 

Show comments