MILF, mamamayan tumutugis kay Kato

PUMAPAPEL si Ameril Umbra Kato na pinuno hindi lang ng separatista kundi pati relihiyong Muslim. Pero itinatakwil siya ng Moro Islamic Liberation Front, mga ulama, at mamamayang Muslim sa Maguindanao.

Tinuturing si Kato ng MILF na bandido. Tumiwalag siya sa hanay at nagtatag ng sariling Bangsamoro Islamic Freedom Fighters. Si Kato ang namuno sa pag­huhuramentado ng noo’y pangkat niya ng MILF nu’ng Hulyo 2008. Inaway niya ang pamunuan ng MILF nang muli silang nakipag-peace talks sa gobyerno nu’ng 2010, at inutusan pa ang BIFF nu’ng 2011 na giyerahin ang mga dating kasamahan.

Tinutuya si Kato ng mga ulama bilang eretiko. Binastos kasi niya ang panahon ng kapayapaan, Ramadan, nang atakihin niya ang Army detachments sa apat na bayan nu’ng nakaraang linggo. Nu’ng Setyembre 2011, tinaningan siya ng mga ulama nang dalawang linggo para makipagbati sa MILF. Nainsulto sila nang tumanggi siya.

Halos 10,000 Muslim ang lumisan ng kabayanan dahil sa pag-atake ni Kato. Mula sa evacuation centers ay nananawagan sila na i-excommunicate siya mula sa relihiyong Islam. Isyuhan siya ng fatwah, daing nila sa Darul Iftah, dahil sa mga pahirap na sinapit nila. Ang Darul Iftah (House of Opinions) sa Central Mindanao ang pinaka-mataas na sangay ng relihiyon, at nangangasiwa sa mga misyonaryo at samahang Islam. Sa Saudi Arabia nag-aral ng pagmu-Muslim si Kato, at sa baril ay ipinipilit niya ang malupit at mala-Taliban na paghahari sa lugar.

Ani MILF vice chairman Gadzali Jaafar, kabalbalan ang jihad, o holy war, na isinusulong ni Kato dahil pahirap lang ito sa mamamayang Muslim. Ani Gov. Mujiv Ha­taman ng Autonomous Region, dapat ay kapayapaan at pagpapatawad ang isinasapuso tuwing Ramadan.

* * *

Makinig sa Sapol, Saba­­do, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com

 

Show comments