TULAD nang pagligtas niya sa mahigit sandaang tao na binaha ng bagyong Ondoy tatlong taon na ang nakalipas, namuno na naman sa rescue nu’ng Martes si Judge Ralph Lee ng Quezon City.
Sakay ng sariling jet ski, binagtas niya ang baha mula bahay patungo sa kabilang distrito kung saan, nabalitaan niya sa radio-TV, nasa bubong ng bahay na ang mga residente at naghihintay ng saklolo. Muli mahigit sandaang tao ang nailigtas niya. ‘Yung mga hindi sumama nu’ng una niyang “sundo” nu’ng umaga ay binalikan niya nu’ng gabi nang bumuhos pa muli ang ulan.
Hindi inalintana ni Lee ang panganib: Kuryente mula sa mga kawad sa poste, rumaragasang agos ng ilog, matinding buhos ng ulan, at sakit na leptospirosis. Ang mahalaga sa kanya ay maisalba ang pinaka-maraming tao na posible, lahat estranghero, mula sa pagkalunod, gutom, at ginaw.
Kasama ni Lee ang dalawang anak at anim na kapitbahay na lalaki. Na-inspira sila sa kanya nang, sa kalakasan ng buhos ng Bagyong Ondoy nu’ng Setyembre 2009, halos 12 oras itong nag-iikot sa slums para pulutin ang mahihirap mula sa mga bubong at baha, at ihatid sa evacuation centers. Mahigit 20 parangal at pagkilala ang iginawad ng iba’t ibang grupo sa kanya.
Saan nakukuha ni Lee ang di-pangkaraniwang tapang at pagka-matulungin? Aniya, sa pagiging maka-Diyos. Pero bukod du’n, tiyak na pinalaki si Lee ng magulang na maging mapag-sakripisyo at mapag-mahal sa kapwa. At lalong nahubog ang mga katangiang ito ng mga karanasan niya sa buhay.
Humaba pa sana ang buhay at lumago ang lahi ni Judge Lee.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com