KAMI ni dating President Erap at aming anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada ay nakikisimpatiya sa napakaraming sinalanta ng ulan at baha.
Ayon sa PAGASA, walang bagyo pero ang volume ng ulan ay matindi pa kaysa sa ibinuhos ng bagyong Ondoy. Iniulat naman ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na mahigit dalawang milyong katao sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang nasalanta ng baha.
Napakaraming bayan at lalawigan ang binaha, mahigit 3,000 bahay ang nawasak, at may mga namatay. Mahigit 500,000 ang inilikas mula sa kanilang tahanan at milyun-milyong halaga ng ari-arian, imprastraktura, pananim at kabuhayan ang nasira. Apektado rin ang klase ng milyun-milyong estudyante gayundin ang trabaho ng daang libong manggagawa.
Base sa impormasyon, halos 80 porsiyento ng Metro Manila ang nalubog sa baha. Mahigit P167 milyon naman ang inisyal na naitalang halaga ng napinsalang pananim, alagang hayop at palaisdaan.
Sa rice sector, umaabot na sa P143.9 milyon ang halaga ng pinsala, partikular sa binahang 25,707 ektarya ng palayan sa 19 na lalawigan.
Libu-libong establisimiento ang nawalan ng kuryente kaya nadiskaril ang operasyon ng mga negosyo at maraming manggagawa ang hindi nakapagtrabaho.
Ayon kay Jinggoy, kailangang paigtingin ang mga programa ng pamahalaan sa pagtugon sa kalamidad.
Samantala, pinangunahan ni Erap ang pamamahagi ng relief goods sa Maynila kung saan ay 1,500 pamilya ang nabigyan ng pagkain.
Pinapupurihan ko naman si Muntinlupa City Councilor Raul Corro na aktibong nanguna sa paglikom ng tulong para sa mga biktima ng kalamidad sa kanilang lungsod.
* * *
Happy birthday kay Cardinal Gaudencio Rosales (August 10); Rep. Mel Senen Sarmiento ng 1st District ng Western Samar (August 11); at Rep. Teodorico Haresco ng Kasangga partylist (August 12).