Delubyo na naman!

Sumilip nang bahagya ang araw kahapon matapos ang halos dalawang araw na matinding pagbuhos ng ulan na nagdulot ng baha. Dahil sa delubyo, bumalik ang mga imahe ng Ondoy na naging bangungot ng marami noong 2009. Wala pang tatlong taon makalipas ang “Ondoy” mistulang karagatan na naman ang Metro Manila!

At mas higit pa raw sa Ondoy ang binagsak na ulan ng habagat noong Martes sa loob ng labindalawang oras. Ang Ondoy ay apat o limang oras lang. Ito na rin ang paliwanag kung bakit hindi binaha ang ibang lugar na lumubog noong Ondoy. Sa Ondoy, deretso ang matinding buhos ng ulan ng apat na oras, habang paputol-putol ang habagat. Nagkaroon ng konting panahon para humupa ang baha, at madala ang tubig patungong Manila Bay. Ganunman, lumubog ang ilang mga kilalang lugar ng Metro Manila, kaya balik na naman ang mga problema. Maaaring lumipas na ang delubyo, pero ang danyos ay naiwan na.

Sa aking palagay, kung alam na ang mga lugar na lumulubog sa tuwing malakas ang buhos ang ulan, hindi na dapat pinababalik ang mga tumitira doon. Kundi, mauulit lang ang kanilang kalbaryo, pati na rin ng gobyerno, kung babalik na naman sila sa parehong lugar. Para sa kaligtasan at kapakanan na ang ilipat na sila sa ibang lugar, para hindi na malagay sa peligro sakaling umulan na naman. Praktikal ang solusyon, hindi ba?

Kung hindi masosolusyunan ang pagbabaha sa Metro Manila, eh di huwag patirahan ang mga lugar na nagbabaha nang husto. Ang mga kakayanan ng gobyerno ay nauunat masyado sa napakalaking lugar at dami ng nangangailangan. Kung wala na ang mga tao sa mga lugar na alam na binabaha, mas magagamit ng gobyerno ang kanilang kakayanan sa mga mas nangangailangan na lugar, sa mas mabilis na oras. Hindi natin masasabi na hindi mauulit ito. Nang natapos ang Ondoy, ang sabi ay sampung taon na naman bago maulit. Tatlong taon pa lang, lumubog na naman ang Metro Manila. Iba na talaga ang lagay ng panahon. Kailangan lagi na tayong handa para sa anumang sakuna at kalamidad. At magagawa iyan ng mabuti ng gobyerno kung kakaunti ang kaila-ngang bantayan.

Show comments