'Rescue'
LIGTAS na nasagip mula sa kapahamakan ang isang dalagitang sapilitang pinagtrabaho sa isang KTV Bar sa San Pablo City, Laguna.
Sa tulong ng pinagsanib na puwersa ng BITAG, Department of Social Welfare and Development at Criminal Investigation Group, muling nag-krus ang landas ng mag-inang Emilinda at ng kanyang anak na babae.
Matiyagang pumila at naghintay si Aling Emilinda sa tanggapan ng BITAG Headquarters upang humingi ng tulong. Ang hinaing ng ginang, ma-rescue ang kinse anyos na anak na babaing ni-recruit at dinala sa Laguna para magtrabaho sa Vombitz KTV Bar.
Isa sa mga ka-trabaho umano ng kanyang anak ang nagparating ng balitang binubugbog at minamaltrato ito ng kinakasamang bakla na may-ari ng bar.
Bukod pa dito, ginagamit din umano nito ang kanyang anak at hindi pa nakuntento, maging sa mga kostumer sa naturang bar ay ipinapa-take out ang pobreng dalagita.
Ang siste, kaya hindi makaalis ang dalagita sa poder ng may-ari ng bar ay dahil sa patung-patong na utang na ipinanggigipit nito sa kanya. Kaya naman agad na sinamahan ng BITAG na si Aling Emilinda para makipag-ugnayan ang sa CIDG Anti- Organized Crime Division at DSWD.
Tumulak ang buong grupo patungong San Pablo, Laguna at doon masusing pinagplanuhan ang isasagawang gulpi de gulat na paglusob.
Isang BITAG undercover ang pinapasok namin sa Vombitz KTV Bar para kumpirmahin kung naroon ang hinahanap naming dalagita. Ang KTV Bar, full package entertainment pa ang alok dahil hindi lamang ito pugad ng kalaswaan, kilalang sugalan din sa kanilang lugar.
Nang matanggap ang signal mula sa aming undercover, hindi na nag-aksaya ng oras ang grupo ng BITAG, CIDG-AOCD at DSWD para pasukin ang establisimento.
Abangan sa BITAG ngayong Biyernes ng gabi sa TV 5 ang matensiyong eksena nang isinagawang rescue operation at ang madamdaming pagtatagpo ni Aling Emilinda at ng kanyang dalagitang anak.
Para sa inyong mga sumbong at tips tumawag sa 9325310 o 9328919 o magpadala ng text message sa 09192141624 o mag-email sa [email protected] o magsadya sa BITAG Headquarters #299 Syjuco Bldg. Kalaw Hills, Tandang Sora, Quezon City mula Lunes hanggang Biyernes alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.
- Latest
- Trending



















