Editoryal - Marami pa rin ang hindi natuto
NAULIT ang “Ondoy” kahapon at mas matindi pa dahil mas maraming tao ang na-stranded sa bubong ng kanilang bahay. May mga namatay dahil sa pagguho ng lupa, pagkakuryente at pagkalunod. Ang kaibahan ng “Ondoy 1”, may nanalasang bagyo kaya nagkaroon ng pagbaha, kahapon, walang bagyo kundi epekto lamang ng habagat. Pero nagbagsak nang napakaraming ulan kaya lumubog ang Metro Manila at ang mga karatig na probinsiya.
Sa kabila naman na nagkaroon ng “Ondoy” noong September 26, 2009, tila hindi naman nagkaroon ng leksiyon ang mamamayan lalo na ang mga nakatira sa tabing ilog. Walang ipinagkaiba sa nangyari noong “Ondoy” na parang daga na nagtakbuhan sa bubong ng kanilang mga bahay. Sila yung mga taong matagal nang pinagsasabihan na umalis na sa mga tabing ilog pero matigas ang mga ulo. Sa kabila na mayroon nang mga lupa at bahay na pagdadalhan sa kanila, mas ginusto pa nilang manatili sa mga delikadong lugar.
Isang pamilya na binubuo ng 9 na miyembro ang natabunan ng lupa sa loob mismo ng kanilang bahay sa Litex, Commonwealth Ave. Quezon City habang malakas ang ulan kahapon. Pinagtulung-tulungang hukayin ang mga biktima. Umano’y matagal na ring hinihimok ang mga nakatira sa nasabing lugar na lisanin iyon subalit hindi sila sumunod. Wala ring pinagkaiba sa nangyari noong nakaraang Hunyo sa Valenzuela City na isang pamilya rin ang naguhuan ng adobe makaraan ang walang tigil na buhos ng ulan.
Kahapon, maraming nanawagan na iligtas sila habang nasa bubong ng kanilang bahay. Tulirung-tuliro ang gobyerno kung paano ang gagawing pag-rescue sa mga taong nasa bubong. Hindi nila malaman kung sino ang uunahing i-rescue, ang mga nasa bubong o ang mga natabunan ng lupa.
Kung sana’y natuto na ang mga nasa tabing ilog at mga malalambot na lupa, at nilisan na ang lugar, tiyak na walang problema ngayon. Tiyak na walang namatay at wala ring pinapasan ang gobyerno.
- Latest
- Trending



















