DALAWANG atleta na lang ng Pilipinas ang makikipagkumpitensiya sa London Olympics si BMX rider Danny Caluag at Marestella Torres na lalaban sa long jump. Bukas nakatakda ang kanilang pakikipagkumpetensiya. Kapag nabigo sina Caluag at Torres, uuwing luhaan ang mga atletang Pinoy. Walang ipinagkaiba sa Beijing Olym pics na ni isang medalya ay walang naipasalubong ang Philippine delegation. Uhaw na uhaw na sa medalya ang Pilipinas.
Ang pag-asa sana ng Pilipinas na makakuha ng medalya ay si Pinoy boxer Mark Anthony Barriga pero natalo siya ng 1 puntos sa kalabang si Birzhan Zhakypov ng Kazakhstan. Naghain pa ng protesta ang Pilipinas sa pagkatalo ni Barriga pero hindi na umano pakikinggan ng International Boxing Association ang apela.
Mawawalan din ng saysay ang pag-apela sa pagkatalo ni Barriga at kung dedesisyunan man, baka abutin pa nang matagal o baka sumapit na ang susunod na Summer Olympics. Tanggapin na lang ang katotohanan na talagang talo ang mga atletang Pinoy at walang maibubuga sa kumpe-tisyon. Mas maganda kung ang pagbubuhusan ng pansin ay ang paghahanda sa 2016 Rio de Janiero, Brazil Olympics.
Apat na taon pa mula ngayon bago ang Rio de Janiero Olympics at malaki pa ang pagkakataon para ito mapaghandaan. Buhusan ng pondo ang paghahanap at pagsasanay sa mga atletang Pinoy. Tutukan nang todo ang pag-eensayo para makasigurong makikipaglaban nang dibdiban. Suportahan ang mga atleta. Ang ibang bansa ay todo-bigay ang pagsuporta sa kanilang mga atleta kaya naman nag-uuwi ng medalya. Ibinubuhos nila ang makakaya para makapagbigay ng kara-ngalan sa bansa.
Isa sa sports na dapat pagbuhusan ng pansin ay ang boxing. Malaki ang pag-asa ng Pilipinas sa boxing kaya dapat itong bigyang atensiyon. Maraming kabataang Pinoy ang mahusay sa bo-xing at kung sila ay masusuportahan, magbibigay sila ng medalya sa bansa. Umpisahan na ang paghahanap at sanayin ang mga atletang Pinoy.